‘Ang Panday’ ni Richard sa TV5 hataw agad sa rating
Panalong-panalo ang bagong serye ni Richard Gutierrez sa TV5, ang Ang Panday na walang kamatayang obra ni Direk Carlo J. Caparas, dalawang sultada pa lang nito ang ipinalalabas pero pumosisyon na agad sa labanan ng ratings ang serye.
Maligaya ang lahat ng nagtatrabaho nang matindihan para sa ikagaganda ng serye dahil hindi sila nabigo sa kanilang inaasahan. Sa unang gabi pa lang ng Ang Panday ay rumehistro na agad ang kanyang numero, mataas agad ang rating ng pinagbibidahang serye ni Richard Gutierrez, hindi nasayang ang pagod ng buong produksiyon.
Para naman kasing pelikula na ang ginagawang atake ni Direk Mac Alejandre sa Ang Panday ng TV5, panalo ang kanilang production design, angat na angat ang pagganap ng mga artista, kinaaaliwan ng mga bata ang pagpapakita sa milagrosong espada ni Panday.
Panay-panay ang pasalamat ng pinakaguwapong Panday sa ating mga kababayan, sa isang phone patch interview namin kay Richard Gutierrez sa radyo ay masayang ibinalik ng aktor ang kanyang pasasalamat, tunay naman kasing tinutukan agad ng mga Pinoy ang mga unang gabi ng Ang Panday.
Lunes, Martes at Huwebes nang alas siyete nang gabi napapanood ang serye sa TV5, magaling ang pagganap ni Richard bilang bagong Panday, sa mata pa lang ng aktor ay panalung-panalo na si Richard sa kanyang pagbabalik-telebisyon.
Sabi ng isang becking kaibigan namin, “Napakaguwapong Panday ni Richard! Sa itsura pa lang niya, sulit na ang panahon ko sa pagtutok sa kanya. Kanin na lang ang kailangan ko dahil ulam na agad si Papa Richard!”
Tututukan namin uli ang ikatlong episode ng Ang Panday mamayang gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.