Empleyado ng Mandaluyong nalunod sa isang resort sa Zambales
NALUNOD ang isang empleyado ng National Center for Mental Health (NCMH)sa Mandaluyong sa isang swimmingpool sa isang pribadong resort sa Zambales, kamakalawa ng gabi, ayon sa pulisya.
Lasing umano si Christopher Adora, 26, residente ng San Vicente, Ilocos Sur, nang mag-swimming kasama ang iba pang empleyado ng NCMH ganap na alas-11 ng gabi bilang selebrasyon para sa isang magreretirong kasamahan, ayon kay SPO1 Orly Silvido, imbestigador ng San Antonio police station.
Sinabi ng pulisya na napansin ng isang kasamahan ng biktima na nawala si Adora habang nagsu-swimming sa pool ng Villa Janella Resort sa Barangay Pundaquit.
Natagpuan ang katawan ni Adora sa ilalim ng anim-na-talampakang swimming pool bago maghatinggabi, ayon kay Silvido.
Tinangka ng life guard ng resort na ma-revive si Adora bago siya dalhin sa ospital kung saan siya namatay habang ginagamot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.