2 Marine officials, 4 pa guilty sa pagbebenta ng high powered firearms sa pribado
Guilty ang hatol ng Sandiganbayan Fifth Division sa dalawang opisyal ng Marines at apat na iba pa kaugnay ng pagbili ng mga baril para sa mga sundalo na napupunta sa mga pribadong indibidwal.
Hinatulan ng anim na taong pagkakakulong sina Col. Cesar Dela Pena, Brigadier General Percival Subala, Manuel Ferdinand Trinidad at Michael Boregas ng Tri-Mark Ventures Corp., at gun dealers na sina Edelbert Uybuco at Gerardo Vijandre.
May sapat umanong batayan ang kasong illegal disposition of firearms sa ilalim ng Section 1 ng Presidential Decree No. 1866 na isinampa sa kanila.
Kumuha umano ng authority si Dela Pena sa Philippine National Police Firearms and Explosives Division noong Pebrero 2000 para sa pagbili ng 72 units ng Heckler and Koch MP5 A5E submachine guns na gagamitin ng Philippine Marine Corps.
Ang baril ay binili sa Tri-Mark Ventures Corp., na kinuhanan din ng lisensya ni Dela Pena sa tulong ni Boregas.
Makalipas ang apat na buwan, nakumpiska ng PNP ang 96 baril mula sa dalawang Taiwanese at siyam na Pilipino sa Lap-laya Delsol, Barangay Kawa, Subic, Zambales.
Lima sa mga ito ang may serial number na tumagma sa mga binili ni Dela Pena.
Sa imbestigasyon, lumabas na hindi natanggap ng Marines ang mga baril.
Sa depensa ni Dela Pena, sinabi nito na ang may-ari ng Tri-mark na si Trinidad ang nag-alok sa kanya ng mga armas.
Sinabi naman ni Trinidad na ibinigay niya ang mga baril kay Dela Pena dahil ang orihinal na bibili nito—ang PNP National Capital Region Police Office— ay nawalan ng pondo.
“The court takes judicial notice…. on the irregular practice of gun dealers in importing military hardware like high-powered firearms for the AFP or the PNP but selling these instead commercially after the original end-user changes its mind and discontinues with the purchase. Since licensing of high-powered firearms to civilians through purchase from dealers is not allowed, the only way for dealers to remove these high-powered firearms from the FED storage is if they could show that the new end-user would still be the PNP or AFP,” saad ng resolusyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.