Grace Poe hugot line: Oo, madrama ang buhay ko, kasing drama ng buhay n'yo | Bandera

Grace Poe hugot line: Oo, madrama ang buhay ko, kasing drama ng buhay n’yo

Leifbilly Begas |February 09,2016
facebook
share this

Grace Poe hugot line: Oo, madrama ang buhay ko, kasing drama ng buhay n’yo

Leifbilly Begas - February 09, 2016 - 07:39 PM
SINAGOT ng presidential aspirant na si Sen. Grace Poe ang mga patutsada sa kanya na madrama siya at nagpapaawa. Ito ay matapos aminin mismo ni Poe na totoong madrama ang kanyang buhay sa kanyang talumpati sa proclamation rally ng Partido Galing at Puso sa Plaza Miranda, sa Maynila Martes ng gabi. Sinabi ni Poe na may nagsasabi na madrama ang kanyang buhay pero hindi umano ito drama lang at ito ay totoong pangyayari sa kanya. “Marahil nga ay madrama ang buhay ko dahil, tulad ng karamihan sa ating mga kababayan, may pinagdaanan akong hirap at pait; at inapi at minaliit ngunit bumangon at lumaban sa kabila ng mga unos at bagyo ng buhay at tadhana,” ani Poe. “Drama nga siguro ang tawag nila dito subalit realidad at tunay na buhay ko ito… katotohanan ito na araw araw pinagdadaanan ng marami sa ating mga kababayan.” Muling iginiit ni Poe na isa siyang Pilipino at ‘isang babae na marunong lumaban at makipaglaban’. “Ako po ay tumatakbong Pangulo ng bansa upang tumayo at ipaglaban lahat kayo na madrama ang buhay… na may hugot at pinagdadaanan,” dagdag pa ni Poe. Inialay ni Poe ang kanyang serbisyo sa mga duke at salat sa yaman, may kapansanan at karamdaman, ang mga hindi sapat ang kita, mga biktima ng krimen at diskriminasyon, mga overseas Filipino worker, at mga ginipit ng mga mapang-abusong gobyerno. “Nandito ako para sa inyo,” ani Poe. “Nandito ako dahil parepareho tayong may pinaghuhugutan.” “Mga kababayan: parating na ang Gobyernong may Puso”. Kasama ni Poe ang kanyang running mate na si Sen. Chiz Escudero at mga senatorial candidates. Hindi naman nakarating ang reelectionist na si Sen. Ralph Recto at ipinadala ang kanyang bulag na kaibigang si Ronnel Agor del Rio na miyembro ng Philippine Coalition on the United Nations Convention on the rights of PWDs.  “Bulag man ako, hindi man ako makaaninag ng bagay, nakikita ko, klarong klarong, buong buo, ang isang maliwanag na bukas sa isa ilalim ng gobyernong may malasakit, pag-aaruga, pagmamahal – at higit sa lahat may puso,” ani del Rio.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending