Editorial: 'Wag kang bobotante | Bandera

Editorial: ‘Wag kang bobotante

|February 08,2016
facebook
share this

Editorial: ‘Wag kang bobotante

- February 08, 2016 - 02:15 PM

ISANG tulog na lang at simula na nang maingay, magastos, magarbo, ma-intriga at mapanlinlang na campaign period para sa mga naglalaban-laban sa national position mula sa pangulo, pa-ngalawang pangulo, senador at partylist.
Bubulaga na ang mga namumutiktik na tarpaulin, poster, streamer, komiks, polyetos, t-shirt, pamaypay, boller, key chain, sun visor, payong at kung ano-ano pang uri ng campaign paraphernalia para lang mailako ang pangalan ng mga kandidato na sabik na makaupo sa pwesto.
Matutorete na naman ang ating mga tainga at mauumay ang ating mga mata sa maya’t maya at walang tigil na television at radio ads.
Hindi lang yan, makukurta rin ang utak natin sa kaliwa’t kanang gimik na gagawin ng mga despe-radong kandidato.
At marahil, ito rin naman ang gustong-gusto ng ilan nating mga kababayan: Ang bumaha ng relief goods kahit wala namang sakuna gaya ng bagyo, baha, lindol sa kani-kanilang mga lugar. Andiyan din ang feeding program mula agahan, tanghalian at almusal, na kung minsan ay may take home pa.
Ang iba naman, lantaran ang gagawing pamimigay ng pera mula sa mga campaign rally hanggang sa mismong araw ng botohan sa Mayo 9. May presyo na ang boto!
Kung sakaling hindi naman uubra ang ganitong mga estilo o pamamaraan ng mga desperadong politiko, sa pamamagitan naman ng pamimilit o intimidasyon ang kanilang gagawin para lang makuha ang iyong boto.
Nariyan na tatakutin ka at pagbabantaan kung hindi ka boboto sa kanilang mga kandidato.
Pero padadaan ba tayo sa ganitong mga estilo ng pa-ngangampanya o panliligaw sa ating mga boto?
Nasa bawat botante na rin kung ikaw, sila, tayo ay padadala sa ganitong uri ng pamamaraan para makuha ang ating sagradong boto.
Nasa sa atin ito kung papayag tayong ipagbili at ating mga boto o poproteksyunan natin ito ng ating buhay.
Ang karapatan ng pagboto ay walang katapat na halaga ng salapi; hindi ito dapat ipinagbibili bagkus ito ay ipinaglalaban at lubos na pinakaiingatan.
Kaya sa pagharap at paggampan natin sa obligasyong ito, naroroon dapat ang ating tapang, ka-tapatan at paninindigan.
Simula bukas dapat ay doblehin natin ang ating pagsuri sa bawat kandidatong lalapit sa atin at hihingi ng ating suporta at tiwala. Magtanong, magsuri, magbasa, kilatisin nang mahusay ang kanilang pagkatao, background, track record, mga paninindigan sa pinakamabibigat na isyu ng bayan, at ang kanilang plano para sa ating bayan.
Hindi tayo dapat padala sa mga makukulay, mabubulaklak, at madadramang uri ng propaganda.
Huwag nating hayaan na mapabilang tayo sa mga tinatawag na bobotante na madaling mapaniwala, madaling mabola at mabilog ang ulo sa mga magagarang progapaganda at pangako, o kaya ay silang madaling mabili ng mga relief goods at pera.
Higit sa lahat, panindigan natin ang ating boto. Hindi tayo dapat pasindak at padala sa kanilang intimidasyon.
Tandaan natin: Simula bukas, nakasalalay sa atin ang hinaharap o kinabukasan ng ating bansa. Tayo ang magtatakda sa kung anong klaseng pamahalaan ang itatatag natin sa pamamagitan ng ating mga ihahalal.
Kaya maging matalino, ‘wag tayong bobotante!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending