Jeepney sumalpok sa poste; 16 sugatan
Labing-anim katao ang nasugatan nang sumalpok ang pampasaherong jeepney sa isang poste ng kuryente sa Baguio City kahapon ng hapon, ayon sa pulisya.
Dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center ang isa sa mga pasahero na si Lorna Agatep matapos umanong ma-dislocate ang kaliwang balikat, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.
Pinayagan namang makauwi ang iba pang sakay ng jeep matapos malapatan ng lunas ang mga bahagyang pinsalang kanilang tinamo.
Naganap ang insidente dakong alas-5:20, habang minamaneho ni Ludy Baluyot ang jeep (AYN-734) sa pababang bahagi ng Bokawkan Road.
Lumabas sa imbestigasyon na nagloko ang preno ng jeep kaya iginilid ni Baluyot sa sementadong kanal, pero sumalpok naman sa poste ng Benguet Electric Cooperative.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.