Kailangan ang sakripisyo | Bandera

Kailangan ang sakripisyo

Barry Pascua |February 08,2016
facebook
share this

Kailangan ang sakripisyo

Barry Pascua - February 08, 2016 - 01:00 AM

KADALASAN ay sinasabing kapag nagsakripisyo ka malamang na may dumating na milagro upang matupad ang bagay na minimithi mo.

Parang ganyan ang nangyari sa San Miguel Beer na nagkampeon sa katatapos na PBA Philippine Cup kung saan tinalo nila ang Alaska Milk sa pitong laro.

Kung lakas at lakas lang naman ang pag-uusapan, talagang nakakaangat ang Beermen sa Aces. Parehas lang naman silang nanatiling halos intact buhat sa kani-kanilang lineups noong nakaraang season kung saan dalawang beses din silang nagkita sa Finals.

At magugunitang sa Philippine Cup at Governors’ Cup ng nakaraang season ay tinalo ng San Miguel Beer ang Alaska Milk. Nagwagi ang Beermen sa pitong games sa Philippine Cup bago winalis sa apat na laro ang Aces sa Governors’ Cup.

So, kung iyon ang gagamiting basehan, aba’y sasabihing tiyak na makakaulit ang Beermen.

Pero hindi kasi pareho ang nagiging sitwasyon sa umpisa ng Finals, e.

Mangyari ay nagtamo ng knee injury ang main man ng San Miguel Beer na si June Mar Fajardo sa Game Six ng semis kontra Rain or Shine. Hindi nga niya natapos ang game na iyon dahil sa isinugod siya sa ospital. Pero nagawa pa rin ng Beermen na magwagi upang makadiretso sa Finals kontra Aces.

Wala ngang punit na nangyari sa tuhod ni Fajardo subalit ang advise sa kanya ay kailangang ipahinga niya ang injury. Kasi, kung hindi niya gagawin iyon ay malamang na maging grabe ang injury at baka mas matagal pa siyang makabalik sa active duty.

Kung ganoon ang mangyayari, maaapektuhan din ang stint niya sa Gilas Pilipinas na naghahangad na makakuha ng berth sa Rio de Janeiro Olympics.

So nagsakripisyo ang Beermen. Hindi ginamit ni coach Leovino Austria si Fajardo sa unang apat na laro ng Finals.

Aniya, “We can afford to sacrifice this championship. May dalawang conferences pa namang natitira. Puwede namang two out of three ulit like last year. Ang mahalaga ay ang future ni Fajardo at ang future ng team at ng national squad.”

Puwede sanang mawalis ng Aces ang Beermen sa pagkawala ni Fajardo. At muntik na nilang gawin iyon. Nanalo ang Alaska Milk sa Game One (100-91), Game Two (83-80) at Game Three (82-75). Subalit hanggang doon na lang ang naging pamamayagpag ng tropa ni coach Alex Compton.

Bagamat hindi nakapaglaro si Fajardo sa Game Four ay nagawa ng Beermen na kunin ang Game Four sa overtime, 110-104. Ito ay matapos na burahin nila ang 11 puntos na abante ng Alaska Milk sa huling tatlong minuto.

Magmula roon ay napunta na ang momentum sa San Miguel Beer na nanalo sa Game Five, 83-80, matapos ang isa uling overtime. Nakuha nila ang Game Six, 100-89. At noon ngang Miyerkules ay nanalo sila sa Game Seven, 96-89.

Dahil dito ay nakagawa ng kasaysayan ang San Miguel Beer hindi lang sa PBA kundi sa buong mundo ng basketball. Ang Beermen ang unang koponang nakabalik sa 0-3 sa isang best-of-seven Finals
upang magkampeon.

Hindi ba milagro nga iyon?

Handa na nga ang Beermen na isakripisyo ang titulo pero sa dakong huli ay sila pa rin ang nakasungkit
dito!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Parang itinadhana!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending