Toronto Raptors nagposte ang franchise record 10 diretsong panalo
TORONTO — Gumawa si Kyle Lowry ng 26 puntos at 10 assists habang si DeMar DeRozan ay umiskor din ng 26 puntos para sa Toronto Raptors na nagtala ng franchise record 10 diretsong panalo sa 103-93 pagwawagi kontra New York Knicks sa kanilang NBA game kahapon.
Si Jonas Valanciunas ay nagdagdag ng 11 puntos at 17 rebounds para sa Toronto.
Si Arron Afflalo ay kumana ng 20 puntos para sa kulang sa manlalarong Knicks, na tinapatan ang season high na apat na diretsong pagkatalo. Hindi naglaro para sa New York ang mga starters na sina Carmelo Anthony, Kristaps Porzingis at Jose Calderon.
Nahigitan ng Raptors ang kanilang siyam na diretsong pagwawagi noong Marso 22 hanggang Abril 9, 2002. Iniwan din nila ang Indiana Pacers, Washington Wizards at Orlando Magic bilang mga natatanging NBA teams na walang winning streak na 10 laro o higit pa.
Bulls 114, Lakers 91
Sa Los Angeles, kumana si Jimmy Butler ng 26 puntos at 10 assists para sa Chicago Bulls na binuksan ang pinakamahabang road trip ngayong season sa pagtala ng 114-91 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Si Pau Gasol ay nag-ambag ng 21 puntos, 12 rebounds at pitong assists at hinarap sa huling pagkakataon ang dating kakampi na si Kobe Bryant sa Staples Center matapos na iwan ang Lakers bilang free agent noong 2014.
Si Bryant ay umiskor ng 10 puntos mula sa 4-for-13 field goal shooting matapos na hindi paglaruin sa nakalipas na laro ng Lakers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.