Meron bang maninindigan kay Marcelino? | Bandera

Meron bang maninindigan kay Marcelino?

Arlyn Dela Cruz |January 25,2016
facebook
share this

Meron bang maninindigan kay Marcelino?

Arlyn Dela Cruz - January 25, 2016 - 03:00 AM

PARA kaming binuhusan ng malamig na tubig ng partner kong si Jake Maderazo habang nakasalang kami sa aming morning program sa Radyo Inquirer nitong Biyernes.
Nagulat kami sa pangalang kababasa pa lang ni Jake. AFP officer kasi ang nakalagay. Hindi kaagad nag sink-in na iyon na nga si Lt. Col. Ferdinand Marcelino, na kilala sa kanyang tapang at kahusayan sa paglaban sa ilegal na droga noong siya ay nasa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pa.

Ganon din ang reaksyon ng mga sumusubaybay sa programa naming Banner Story sa Radyo Inquirer. Pagkagulat. Hindi makapaniwala.

I had to make sure it was really him. Bago namin nakapanayam si retired General Dionisio Santiago, may mga tinawagan akong iba pa. Tiniyak ko kung si Marcelino nga ang nahuli sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Maynila. Siya nga.

Bago pa maitalaga sa PDEA, nakilala ko na si Marcelino noong tinyente pa lang ito. Nakilala ko siya sa Basilan kung saan siya minsan ay na-assign at ako naman ay kung saan-saang
lupalop nangangalap ng balita. Noon pa man, nasa linya na ng intelligence ang trabaho ni Marcelino.

Matagal kaming hindi nagkita, at muli lang nagtagpo nang siya ay nasa PDEA na sa panahon ng panunungkulan ni Santiago.

Ang huli kong pagkakaalam, nasa ISAFP sya bilang hepe ng Military Intelligence Group (MIG) sa Region 4. Yung sinasabing kaugnayan niya sa malalaking operasyon laban sa ilegal drugs kahit pa matagal na siyang wala sa PDEA, ngayon na lamang naglalabasan, walang alam ang media, walang alam ang publiko.

Wala sa radar ng anti-illegal drugs operation si Marcelino kung media reports o publiko ang
tatanungin maliban sa panahong siya ay nasa PDEA pa.

Ngayong siya ay nasa gitna ng isang problema na nangangailangan ng matibay na paliwanag, naglalabasan ang mga impormasyong, hindi pala kumalas sa anti-illegal drugs campaign si Marcelino, at nananatiling malaki ang papel nito, kundi man nanatiling malaki ang kaugnayan nito sa kampanya laban sa mga sindikato.

Ngunit kasabay ng impormasyong ito, may mga balita rin na taliwas dito.

Nang maaresto si Marcelino, marami-rami na rin ang aking nakausap at iba-iba ang impormasyong nakuha ko sa kanila.
Bagaman, mas marami ang nagsasabing, naniniwala silang may kinalaman sa kanyang personal na krusada ang presensiya niya sa isang shabu laboratory at iyon ay bahagi ng intelligence work nito, hindi rin maitatanggi na galing din sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas ang mga negatibong impormasyon laban kay Marcelino.

Lumalabas na totoo ngang malaki pa rin ang papel niya sa kampanya laban sa ilegal na droga kahit matagal na siyang wala sa PDEA. Kaya hindi nabunyag ang pangalan nito bilang isa sa mga susi, halimbawa na lang ay ang pagkakatumbok sa bilyong pisong shabu laboratory sa Camiling, Tarlac noong 2014.
Ito ay dahil na rin sa katotohanang, ang unit na kanyang kinabibilangan ay walang direktang kaugnayan sa anti-illegal drugs campaigm, bagaman, sa punto ng intelligence gathering at sharing ay maaari itong gumalaw bilang isang umiiral na ahensiya o unit na kumakatawan sa pamahalaan o sa estado.

Ngayon, ang tanong ay kung kaya bang panindigan si Marcelino ng mga taong nakakaalam sa kanyang nakalipas na partisipasyon sa kampanya laban sa ilegal na droga ngayong nasa gitna siya ng kontrobersya?

Sa mga naipamalas na dedikasyon noon ni Marcelino, umaasa kami na mapapatunayan niya na lehitimo ang kanyang presensiya sa naturang shabu laboratory at may kaugnayan nga ito sa kanyang mga nakalipas na anti-drug busts.

Mapatunayan man ni Marcelino o hindi, iisa ang malinaw: May umiiral na labanan sa sindikato ng droga at malalim na ang laro at malawak na nga ang galamay ng problemang ito sa ating lipunan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sabi nga ng isang barangay captain na aming nakapanayam nang minsan nagkaroon ng raid sa kanyang barangay: “Bakit, hindi lang naman ang barangay ko ang may ilegal na droga ah, lahathalos ng barangay sa Pilipinas meron!”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending