Editorial: Ang pagpapakumbaba ng ‘The Great LJM’
MARAMI at walang patid ang pagbibigay-pugay na iniaalay ngayon kay Letty Jimenez-Magsanoc, higit na kilala sa tawag na LJM, matapos siyang sumakabilang-buhay nitong bisperas ng Pasko.
Walang kwestyon, walang kokontra na si LJM, ang editor-in-chief ng Philippine Daily Inquirer, ang isa sa mga haligi ng industriya ng pamahahayag sa bansa ay higit pang kilala dahil sa titulong ibinansag sa kanya bilang “keeper of Edsa flame”.
Sa marami, hindi lang siya isang babae, kasama, kaibigan, boss, mentor, magulang, at kapatid. Higit sa lahat siya ay isang mamamahayag na naging lakas at inspirasyon ng maraming kabahagi ng industriya na nagmamatayag, nagbabantay at nagbabandera ng kalayaan ng bansa.
Sa mga taga-Bandera, si LJM, ay isang imahe ng mamamahayag na hindi tumitingin sa kung ano siya o saan siya nakabilang. Hindi siya tumitingin kung ang isa bang mamamahayag ay taga-broadsheet, radyo, telebisyon, online o taga tabloid.
Gaya na rin nang pagturing niya sa mga tao sa loob ng sarili niyang newsroom – na ang bawat isa rito ay walang kasarian, walang lalaki, walang babae, kundi pawang mga “human beings” – ganon din ang tingin niya sa bawat mamamahayag na kaisa niya sa pagsusulong ng kalayaan sa pamamahayag.
Sa kanya, bagamat espesyal ang bawat kasapi ng Philippine Daily Inquirer, lahat ng mamamahayag ay isang mamamahayag lamang: pawang walang mga kasarian, walang tag, walang dapat i-discriminate.
Ilang beses na itong pinatunayan ni LJM sa Bandera. Ni minsan hindi tiningnan ni LJM ang Bandera na mas mababa sa kanyang pahayagang kinabibilangan. Ni minsan, hindi niya itinuring na “less journalist” ang mamamahayag na nasa tabloid gaya ng Bandera.
Pasasaan ka pa ba, hindi big deal sa kanya kung minsan ay tinatawag ang PDI na isang malaking tabloid dahil naniniwala siya na ang tabloid ay higit na siyang nakauunawa at nakararamdam sa pulso ng masa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.