Babalik pa ba ang BF na matampuhin? (2)
Sulat mula kay Mai ng Dalisay, Alloran, Misamis Occidental
Problema:
1. May boyfriend ako sa ngayon ang problema nagkatampuhan kami ng minsang mabasa niya sa cell phone ko na may nag-text sa akin ng “I love you”, pero hindi ko naman talaga kilala ang number na yon. Akala nya nakikipag landian pa ako sa ibang lalaki, kaya mula noon di nya na ako tinetext at pinupuntahan sa bahay mag dadalawang linggo na. Balak ko sana siyang kausapin at kahit wala akong kasalanan sa kanya ako na ang hihingi ng sorry tapos siya na rin ang paghahawakin ko ng cell phone ko para hindi na lang kami magkagalit.
2. Willing akong gawin ang lahat para magkabalikan kami kasi mahal na mahal ko siya. Sa palagay nyo Sir Greenfield pag nagpakumbaba ako at ako na ang unang humingi sa kanya ng sorry maglulubag na kaya ang selos niya at pagtatampo. Compatible ba kami at kami na ba ang magkakatuluyan? February 7, 1991 ang birthday ko at October 13, 1990 naman ang birthday ng boyfriend ko.
Umaasa,
Mai ng Davao City
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Aquarius (Illustration 2.) at Libra naman ang boyfriend mo ay nagsasabing tugma at compatible kayo, kung saan, ang kanyang kasalukuyang pagtatampo ay maglalaho rin, makikita mo sa buwan ding ito ng Disyembre kusa siyang mag te-text at tatawag sa iyo upang kayo ay magkausap.
Numerology:
Ang birth date mong 7 at 13 naman ang boyfriend mo ay nagsasabing sadyang tugma at compatible rin kayo sa numerology. Ibig sabihin anomang tampuhan o di pagkakaunawaan ang maganap sa inyong relasyon, mananatili pa rin kayong magsasama habang buhay.
Luscher Color Test:
Upang lalo pang maging masaya at lumawig ang inyong relasyon ugaliing gumamit at magsuot ng mapalad ninyong kulay na red, green at yellow. Ang nasabing mga kulay ang lalo pang mag papainit ng inyong pagmamahalan.
Huling payo at paalala:
Mai, ayon sa iyong kapalaran wala kang dapat na ikabahala dahil tama ka nagtatampo lang ang BF mo sa ngayon. Subalit sa gitna ng kanyang pagninilay at pag-iisip makapagpapasya rin siya ng tama, muli ka nyang kakausapin upang muli nyong buuin ang inyong relasyon. Mangyayari at magaganap tulad ng nasabi na, sa buwan ding ito ng Disyembre kung saan, habang papalapit ang Kapaskuhan at lumalamig ang simoy ng hangin, muling mabubuo at iinit ang isang masaya at matimyas na relasyon na hahantong sa isang maligaya at pang habang buhay ng pag-iibigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.