MUKHANG ‘headed for disaster’ ang pagbabalik ni Jimmy Alapag buhat sa maikling retirement na ginawa niya! Mukha kasing walang kahihinatnan ang paglalaro niya sa Meralco sa kasalukuyang PBA Philippine Cup.
Taliwas sa inaasahan ng karamihan, imbes na bumuti ang tsansa ng Bolts sa torneo ngayong nandiyan na sa kanila ang manlalarong tinaguriang “The Mighty Mouse,” aba’y sumasadsad ang Meralco.
Nalasap ng Bolts ang ikawalong kabiguan sa siyam na laro nang sila ay maungusan ng Alaska Milk, 88-86, noong Huwebes sa Mall of Asia Arena.
Ang tanging panalong naitala ng Meralco ay laban sa Star Hotshots, 87-83, noong Noyembre 21. At masasabing sa coaching ang naging bentahe ng Bolts dahil sa mas beterano ang may hawak sa kanilang si Norman Black kumpara sa baguhang si Jason Webb na humalili kay Tim Cone sa Hotshots sa umpisa ng season.
Imbes na masundan ang panalong iyon, aba’y nagbalik sa dati ang Bolts at napayuko ng mga sumunod nilang nakaharap.
Tuloy, marami ang nagtatanong kung tama ba ang pagbabalik na ginawa ni Alapag? Tama ba na mag-‘unretire’ siya gayung nasabi na niya na nais niyang pagtuunan ng pansin ang kanyang pamilya.
Kasi, may injury na naman siya matapos na magretiro noong Enero. Naging team manager siya ng Talk ‘N Text at assistant coach ng Gilas Pilipinas. So, panibagong hamon iyon para sa kanya. Panibagong career.
E, marami nga ang nagsasabing magiging mahusay na coach si Alapag balang araw. Kumbaga ay inihahanda na nga ang daan para sa kanyang pagiging coach.
Pero hinanap ni Alapag ang paglalaro na naging buhay niya sa napakahabang panahon. Kaya nagbalik siya sa hardcourt at naglaro sa Meralco kung saan naipailalim siya ulit sa dati niyang coach sa Talk ‘N Text na si Black.
Sa totoo lang, hindi naman maisisisi kay Alapag ang pagsadsad ng Bolts na sa ngayon ay nasa pinakamasagwa nilang performance buhat nang maging miyembro ng pro league.
Hindi lang naman siya ang naglalaro, e. At siyempre, guwardya siya at hindi isang dominanteng manlalaro. Gaganda lang ang kanyang performance kung maganda rin ang performance ng mga pinapasahan niya. E hindi ganoon ang nangyayari.
May pag-asa pa bang umangat at makarating sa susunod na yugto ang Bolts?
Puwede pa. Kasi dalawa lang naman ang malalaglag matapos ang elims. Sa kartang 1-8 ay kailangang mapanalunan ng Meralco ang huling dalawang games kontra Globalport sa Dec. 9 at Rain or Shine sa Dec. 16 upang mabuhayan ng tsansa.
Kung pwede nga lang na mag-ala superhero si Alapag upang mangyari ito, malamang na ginawa na niya!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.