IAAKYAT ni Sen. Grace Poe sa Supreme Court ang kanyang disqualification sa pagtakbo sa pagkapangulo sa 2016.
Dinis-qualify ng Commission on Elections si Poe dahil kulang siya sa residency requirement na 10 taon upang makatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Pero bago niya isampa sa Korte Suprema ang kanyang apela ay hihingin muna niya ang desisyon ng Comelec en banc. Lahat ng Comelec commissioners ang didinig sa apela ni Poe.
Ang pag-disqualify kay Poe ay desisyon lamang ng isang Comelec division.
At kung talo pa rin siya sa Comelec wn banc, aak-yat na si Poe sa kataas-taasang hukuman.
Pero mahihirapan siyang makalusot sa Supreme Court dahil tatlo sa mga justices nito ay bumoto na siya’y ma-disqualify sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Nanalo si Poe sa kanyang kasong disqualification dahil sa hindi malaman ang kanyang citizenship dahil siya’y isang foundling o natagpuang sanggol.
Ang mga SC justices—Antonio Carpio, Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion–ay tiyak na boboto uli na siya’y madisqualify.
Magiging maganda ang Pasko para kay Torgeir Hoverstad, 63 anyos, kapag siya’y napakawalan sa kulungan sa Olongapo City.
“I wish I could go out of jail before Christmas,” sabi sa akin ni Torgeir sa pakikipag-usap namin sa cellphone.
Magdadalawang taon na si Torgeir sa Olongapo City jail.
Si Hoverstad ay pinaratangan ng child pornography, human trafficking at child porno sa ilalim ng Anti-Cyber Crime Law.
Ang mga paratang sa kanya ay kailan man di niya ginawa dahil ang mismong bata na kanya raw naging biktima ang umamin na gawa-gawa lang ng sindikato upang siya’y maperahan lamang.
Sinabi ng 16-anyos na batang babae sa korte ni Olongapo City Judge Jose Bautista Jr. na binayaran siya ng sindikato upang tumestigo laban sa Norwegian photographer.
Nang ayaw pa ring pakawalan si Torgeir ni Judge Bautista kahit na siya’y tumestigo na para sa Norwegian, pumunta na ang bata sa inyong lingkod.
Umiiyak na inilahad ng bata sa akin ang buong pangyayari, mula sa pagturo sa kanya kung anong sasabihin sa mga imbestigador hanggang sa pagtestigo niya sa korte na walang kasalanan si Torgeir.
Nabagabag ang konsensiya ng bata at maging ng kanyang ina kaya’t pinuntahan na niya ako kasama ang isang guardian.
Dinala ko ang bata sa police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang mailahad sa mga imbestigador ang pagiging inosente ni Torgeir.
Nag-imbestiga ang CIDG batay sa salaysay ng bata sa kanila at napatunayan nga nila na ang mga paratang kay Torgeir ay gawa-gawa lamang.
Ngayon, ito ang siste: Suspendido si Judge Bautista dahil sa ibang kaso, kaya’t walang judge na dumidinig ngayon sa kaso ni Torgeir.
Ang hindi maintindihan ay bakit hindi agad pinakawalang sala ni Bautista ang pobreng Norwegian matapos isalaysay ng batang witness sa kanyang korte na biktima lang si Torgeir ng frame-up.
Dapat mag-assign ang Supreme Court ng kapalit na judge ni Bautista upang mapakawalan na si Torgeir.
Ang isang inosenteng akusado ay dapat hindi na tumagal sa bilangguan ng kahit isang segundo dahil ito’y miscarriage of justice.
Nang pumasok ang dating Cavite governor at congressman na si Ayong Maliksi bilang chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pinaimbestigahan niya ang small town lottery (STL) project.
Inanunsiyo niya sa media na malaki ang nawawala sa gobyerno sa STL dahil mababa ang mga sales revenues nito.
Binababaan daw ng mga authorized agents PCSO ang revenue collections ng STL.
Ang STL ay itinatag upang labanan ang jueteng, na isang illegal na numbers game.
Pinaimbestiga ni Maliksi sa National Bureau of Investigation (NBI) ang STL operations sa buong bansa.
Nabisto ang totoong agenda ni Maliksi, ayon sa mga PCSO insiders, nang sumulat siya ng memorandum kay Pangulong Noynoy.
Isa sa kanyang mga panukala kay P-Noy ay kailangang dalawa lang ang STL operations sa buong bansa, ayon sa mga PCSO insiders na nakabasa sa memo ni Maliksi.
Maliwanag na ang pinanunukala ni Maliksi ay gawing monopoliya ang pagpapatakbo ng STL sa buong bansa.
At bakit naman gustong palitan ni Maliksi ang mga STL operators ng dadalawa lamang samantalang ang kinikita ng PCSO sa STL operations ay P4.5 billion kada taon?
Hindi pa ba sapat ang nasabing halaga?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.