Young actor sobrang yabang na wala pang utang na loob
MAY kaangasan na ay wala pang utang na loob. Ganu’n ang imahe ngayon ng isang young actor na naikot na ang lahat ng network sa kanyang pangarap na sumikat nang todo pero wala pa rin namang nangyayaring milagro sa kanyang career.
Hanggang ngayon ay nangangarap pa rin siya, hanggang ngayon ay namamana pa rin siya sa dilim, ayon sa mga nakasama nang matagal na panahon ng young actor ay wala talagang mangyayari dahil hindi siya marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan.
Kuwento ng aming source, “May nangyari ba naman nu’ng iwanan niya ang network na napakalaking tulong ang ibinigay sa kanya? Akala mo siya hari sa network na ‘yun dati, magaganda ang projects niya, hindi siya napapahi-nga.
“Pero lumipat siya ng network, magaling na raw kasi siyang umarte, sikat na raw siya, kaya dapat, e, du’n na siya makipagkumpetisyon sa mga artista ng istasyong nilundagan niya.
“Ano’ng nangyari? Pinag-usapan lang siya nu’ng una, pero nu’ng nakakailang buwan na siya, waley na! Tapos na ang maliligayang araw niya!” nakairap na kuwento ng aming impormante.
Ngayon ay nagpaparamdam na ng disgusto ang young actor, naghahanap na siya ng kung anu-ano, hindi kasi siya nabibigyan ng mga proyektong akala niya’y magpapataas pa sa kanyang pagkaaktor.
“Wala, hanggang du’n na lang siya, pasupo-suporta, hindi gaanong napapansin. Magyabang to-the-max ba naman kasi? Mauna ba ang kaangasan? Wala talagang mangyayari sa career niya!
“Napakaigsi kasi ng memorya ng young actor na ‘yun, lalo na sa pagtanaw ng utang na loob. Kasing-igsi ng name niya!” pagtatapos ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.