Hindi nga natin hawak ang bukas. Walang nakakaalam kung ano ang magaganap sa hinaharap.
Kahit ang suwerte ay hindi natin alam kung kailan natin mapapasakamay dahil tanging Diyos at kapalaran lang ang nakakaalam kung kailan mahihinog ang ating mga hiling at panalangin.
Tulad ni Zendee Rose, ang tinaguriang Random Girl ng YouTube, napakarami na niyang sinalihang pa-contest, pero lagi siyang sablay, pero hindi siya napagod sa paghanap ng kanyang suwerte.
Nang matalo siya sa isang reality show ng Dos ay hindi na muna sila umuwi ng kanyang ina sa GenSan, dumito na muna sila sa Maynila, baka nga naman may matalisod siyang magandang kapalaran.
Nagpunta sila ng kanyang ina at tiyahin sa isang grocery, hindi siya pinapasok ng guwardiya dahil sa kanyang backpack, kaya ang ginawa niya ay kumanta nang kumanta sa isang puwesto ng ibinebentang videoke machine sa nasabing mall.
“Habang kumakanta po pala ako, e, may kumukuha ng video sa akin, patago pa ‘yun, gumitna siya sa mga taong nakapalibot na pala sa akin habang kanta ako nang kanta.“Ipinost niya ‘yun sa YouTube, nag-million hits kaagad.
Nakita ‘yun ng staff ni Ms. Ellen DeGeneres, pinadalhan agad kami ng plane tickets papuntang Amerika.
Nag-guest po ako sa show niyang Ellen.
“‘Yun po ang kuwento.
Napakabilis, parang hindi ako makapaniwala hanggang ngayon na meron palang ganu’n kabilis na istorya.
Napakabait po sa akin ni Lord,” lumuluhang kuwento ni Zendee Rose nang maging panauhin namin sa “Cristy Fer Minute” sa AKSYON-TV-92.3 News FM.
Ngayon ay recording artist na siya ng Warner Music, meron nang endorsement ng isang coffee brand na lumalabas kasama si Chito Miranda ng Parokya Ni Edgar, sa wakas ay nginitian din siya ng kapalaran.
“Gusto ko pong maiahon sa hirap ang family ko, gusto ko pong matulungan ang mommy ko, kaming dalawa lang kasi ang magkasama sa buhay,” lumuluhang hiling ng napakagaling kumantang si Zendee Rose Tenerefe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.