AUBURN HILLS, Michigan — Gumawa si Andre Drummond ng 25 puntos at 18 rebounds at naghulog ng mga krusyal na free throws para tulungan ang Detroit Pistons na maitala ang 104-99 pagwawagi laban sa Cleveland Cavaliers sa kanilang NBA game kahapon.
Kinamada ni LeBron James ang 23 sa kanyang 30 puntos sa first half subalit ang Pistons ay nag-double-team sa kanya sa ilang mahalagang ball possession sa huling bahagi ng laro at hindi na nagawang makaiskor ng Cleveland sa laro. Ito naman ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Cavs matapos manalo ng walong diretsong laro.
Ang free throw ni Drummond may 2:07 ang nalalabi sa laro ang nagbigay sa Pistons ng 98-97 bentahe at nagawang magpakatatag ng Detroit mula rito. Umangat pa ito sa 102-99 may 13.8 segundo ang natitira matapos na magbuslo si Reggie Jackson ng dalawang free throws para sa Pistons. Sumablay naman si J.R. Smith sa kanyang 3-pointer mula sa itaas ng 3-point arc.
Warriors 115, Raptors 110
OAKLAND, California — Umiskor si Stephen Curry ng 37 puntos para pamunuan ang defending champion Golden State sa ika-12 diretsong pagwawagi sa pagbubukas ng season sa kanilang panalo kontra Toronto.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 19 puntos habang si Andrew Bogut ay nag-ambag ng 13 puntos para sa Warriors, na nasa pinakamagandang panimula magmula nang ang Dallas Mavericks ay manalo sa unang 14 laro noong 2002-03 season. Kailangan na lamang ng Golden State ng tatlong panalo para matapatan ang NBA record na 15-0 na hawak ng 1948-49 Washington Capitols at 1993-94 Houston Rockets.
Hindi naman naging madaling panalo ito para sa Golden State dahil bumangon ang Toronto mula sa 18-puntos na paghahabol at dumikit sa isang puntos sa huling bahagi ng laro kung saan hawak pa nila ang bola. Subalit tinawagan si Kyle Lowry ng offensive foul at naghulog si Curry ng dalawang free throws para selyuhan ang panalo ng Warriors.
Sina Lowry at DeMar DeRozan ay kapwa umiskor ng 28 puntos para sa Raptors, na natalo sa lima sa pitong laro matapos ang 5-0 start.
Nuggets 115, Pelicans 98
NEW ORLEANS — Kumana si Danilo Gallinari ng season-high 32 puntos para sa Denver Nuggets na pinayuko ang New Orleans Pelicans.
Si Will Barton ay nagdagdag ng 17 puntos habang sina Gary Harris at Jameer Nelson ay may tig-16 puntos para sa Denver.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.