Grace Poe kabado na sa magiging hatol ng SET
INAMIN ni Senador Grace Poe na kinakabahan na siya sa kung anong magiging resulta ng desisyon ng Senate Electoral Tribunal na dumidinig sa disqualification case na isinampa laban sa kayan.
Gayunman, umaasa ang senador na magiging patas ang siyam na miyembro ng SET sa kanilang pagdedesisyon sa kanyang kaso.
“Ako’y nagdadasal at umaasa na sanay maging patas lahat yun. Para sa akin, syempre , ikagagalak ko kung sila man ay bomoto pabor sa akin,” ayon kay Poe sa isang panayam sa Quezon City Lunes ng umaga.
“Subalit napakabigat rin kasi ng dala-dala natin, ang ilang libo, daang libong mga bata na parehong sitwasyon sa akin na pag ako’y dinis-qualify nila bagamat meron pa pong isang step para mag apila tayo. S’yempre nalalagay din sa peligro ang kalagayan ng mga batang ito. Mawawalan sila ng estado o kalagayan sa Senado,” dagdag pa ng senador na siyang nangungunang presidential bet.
Nang tanungin kung anong nararamdaman niya ngayong nalalapit nang magdesisyon ang tribuna, sinabi nito: “Tao lang naman , syempre kinakabahan , nalulungkot pero may lakas loob din kasi naniniwala ako sa tama e.”
“Nasa tama naman ang aming pinaglalaban kaya lang syempre may mga konsiderasyong political yung iba at sana naman ang isipin lang nila na ang batas ay para iangat kung ano ang makatarungan.”
Kung sakaling ang desisyon ay hindi pumabot sa kanya, sinabi ni Poe na ilalapit niya ang desisyon sa tamang venue.
“Iaapela natin dahil kasama yan sa proseso. Ayaw naman nating basta sumuko hindi lamang dahil sa aking sarili kundi dahil rin sa mga nagtiwala sa akin at para sa mga bata na maapektuhan nito kung akoy susuko,” ani pa ni Poe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.