Nasawi ang isang kandidato sa pagka-konsehal matapos pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa kanyang farm sa Marcos, Ilocos Norte, kagabi.
Binawian ng buhay sa ospital si Conrado Agtarap, tumatakbo sa ilalim ng Partido Bagong Maharlika, ala-1:02 ng umaga kahapon (Huwebes), ayon kay Chief Inspector Jonathan Papay, tagapagsalita ng Ilocos Norte provincial police.
Pinagbabaril si Agtarap, na isang retiradong pulis, sa kanyang piggery o babuyan sa Sitio Calungbuyan, Brgy. Lydia, dakong alas-10:30 ng gabi Miyerkules.
Narekober ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang limang basyo ng M16 rifle.
Unang isinugod si Agtarap sa Doña Josefa Edralin Marcos District Hospital at nilipat sa Mariano Marcos Hospital and Medical Center ng Batac City para sa karagdagang lunas, pero doon binawian ng buhay.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga salarin, na agad tumakas matapos ang insidente, at kung may kaugnayan sa politika ang pagpatay kay Agtarap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.