Kasambahay ng ex-INC minister itinangging ikinulong siya; sinabing diniktahan lang ang magulang | Bandera

Kasambahay ng ex-INC minister itinangging ikinulong siya; sinabing diniktahan lang ang magulang

- November 09, 2015 - 07:27 PM

INC-Abegail-Yanson
ITINANGGI ng kasambahay ng sinibak na ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II ang mga alegasyon na ikinulong siya at pinilit na tumestigo laban sa liderato ng maimpluwensiyang sekta.

Sa isang serye ng mga video na nakuha ng INQUIRER.net, naging emosyonal si Abegail Yanson, 24, habang sinasabing dinidiktahan ang kanyang mga magulang ng maimpluwensiyang Sanggunian, ang pinakamataas na administrative council ng INC, nang kinasuhan nila si Menorca ng serious illegal detention.

“Masakit po sa akin na nakikita ko ‘yung mga magulang ko sa TV na puro kasinungalingan ang sinasabi tungkol sa mag-asawa (Menorca),” sabi ni Yanson sa video.

“Napakasakit po. Nagagalit ako sa Sanggunian. Sobrang nagagalit po ako kasi magulang ko na po ‘yung hawak eh. Tapos kung anu-anong salita po ‘yung pinagsasasabi nila na alam nilang hindi totoo. Kaya po nila sinasabi ‘yun kasi natatakot sila. Tinatakot silang matiwalag,” dagdag ni Yanson.

Nauna nang sinabi ni Menorca, na dinukot at ikinulong siya, ang kanyang asawang si Jinky at si Yanson ng mga miyembro ng INC.

“Sana huwag kayong matakot na sabihin ‘yung totoo. Kasi bumisita pa nga si papa nung July 29. Pinapauwi ako. Gustong isama pauwi pero hindi po ako pinayagan na umuwi na Ka Erds Codera at Rholand Esguerra,” dagdag ni Yanson.

Iginiit na Yanson na nagboluntaryo siya na manatili kina Menorca at sa kanyang asawa dahil alam niyang may masamang mangyayari sa kanila.

“Walang katotohanan na hindi nila ako pinapayagang umuwi dahil nung mga araw na noon, nung hindi pa bumibisita papa ko, sinasabihan na po ako ni Ka Jinky, uuwi ka na ba. Pinagpaalam pa po ako ni Ka Jinky sa kanila pero hindi po sila pumayag. Hindi ko po kayang iwan si Ka Jinky. Dahil alam ko na may mangyayaring hindi maganda sa ‘kin o sa kanila. Kaya hindi ko po sinunod na uuwi ako nanatili ako sa kanila,” aniya.

“Sana palayain n’yo po sila, hayaan n’yo po silang pagsalitain na wala pong bantay…” giit pa ni Yanson.

May panawagan din si Yanson sa kanyang mga magulang.

“Ma, Pa, sana ilabas n’yo po ‘yung katotohanan, ‘wag po kayong matakot na matiwalag. Dahil ‘yun po ang panakot nila eh, ang matiwalag kayo. Kilala n’yo ‘yung mag-asawa. Kilala n’yo si Ka Jinky, kilala n’yo si Ka Lowell. Hindi totoong hinarang ako ni Ka-Lowell,” sabi pa ni Yanson.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending