DALAWANG taon na ang nakalilipas pero nagtuturuan pa rin ang Aquino administration at Tacloban City Hall sa maraming aspeto.
Una, sa bagal ng resettlement/housing ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Ikalawa, sa halos walang tulong ng national government sa rehabilitasyon ng lungsod. Ikatlo, sa totoong bilang ng mga nasawi sa bagyo, at ikaapat ay ang bilyun-bilyong pisong donasyon ng mga international aid agencies at mga bansa na di nakarating sa mga biktima.
Ang paliwanag ng Malacanang, sapat daw ang kanilang aksyon at hindi lang ang Tacloban ang napinsala kundi maraming lugar pa sa Visayas.
Tama naman sila rito, pero sa mata ng buong mundo, ang Tacloban ang “ground zero” ni Yolanda at ang pagbangon nito ang siyang binabantayan nang husto kahit pa sabihing mayroong “political sensitivities” dito.
Sa aking palagay, itinaon ng Panginoon na dapat ay magtulungan ang Aquino administration at Romualdez city administration sa nasalantang Tacloban. Isang punto sana ng pagkakaisa at pagkapit-bisig sa ngalan ng milyun-milyong nasalanta ng bagyo.
Pero, iba ang nangyayari. Habang buhos ang tulong sa kalapit bayan ng Tacloban sa Samar Leyte at maging sa Western Visayas, parang hinayaan na lamang ang Tacloban na bumangong mag-isa.
Alam ko po ito dahil sa nakalipas na 35 years ay taun-taon akong pumupunta roon at nito ngang nakaraang dalawang taon ay napakaraming kwento ng mga kamag-anak kong survivors ang aking na-rinig.
Abot langit ang puri nila sa United Nations (Habitat-WFP-WHO) lalong lalo na sa Philippine National Red Cross na nagpatayo ng mahigit 60,000 kabahayan ( habang nasa 11,000 lang naipapatayo ng Aquino administration) para sa mga biktima ng bagyo sa Tacloban at sa iba pang lugar.
Sa mga NGO’s, itong Tzu Chi foundation (Buddhist) na namigay ng tig-P15,000 at sampung yerong bubong sa bawat biktima sa Tacloban City (no questions asked) ang nangingibabaw.
Pati network war nakatulong din, ang ABS-CBN foundation nagtayo ng 120 classrooms at namigay ng 4,000 na bangka samantalang ang Kapuso foundation na nagtayo ng Village phase 1,2,3 sa Tacloban at karatig-bayan.
Ang SM Foundation, maganda rin ang ginawa. Kinumpuni at ginawang level 2 medical facility ang Tacloban city hospital at naging 100-bed capacity mula sa dating 50-bed capacity lamang. Nagtayo din sila ng 1,000 bahay sa mga nasalanta ng bagyo. Ang ganitong mga pri-badong aksyon ay lalong nagpapatingkad sa maliwanag na kawalang pra-yoridad ng pamahalaan sa Lungsod ng Tacloban. Idagdag mo pa riyang ipinatutupad na “no build zone” policy ng gobyerno na ang mga residenteng nawalan ng bahay ay di na makakabalik sa kanyang lugar. Nandyan din ang P7.9B “tidal embankment project” na itatayo mula Tacloban hanggang Palo na pampigil daw sa mga storm surges. Mga bagay na nagpabagal sa responde ng gobyerno sa pangangailangan ng mga nasalanta.
Sa totoo lang, mismong mga taga-Tacloban ay nanghihinayang sa magandang pagkakataon sana ng Aquino Administration na magpakitang gilas at mapagkaisa at ma-inspire ang sambayanang Pilipino.
Sa halip, nabahiran ng pulitika at personal na di-pagkakaunawaan ang mga nangyayari. At ang masakit, dobleng nasalanta ang mga biktima ng Yolanda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.