Philips Gold pasok sa 2015 PSL Grand Prix semifinals
Mga Laro sa Martes
(The Arena)
4 p.m. Foton vs Meralco
6 p.m. RC Cola vs Philips Gold
Team Standings: *Petron (6-2); *Cignal (6-2); *Philips Gold (5-2); Foton (4-3); RC Cola-Air Force (1-6); Meralco (0-7)
* – semifinals
BUMALIK ang dating matikas na porma ng Philips Gold nang tinalo nila ang nakaharap na katunggali para pumasok na rin sa semifinals ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament kahapon sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos, Bulacan.
May 10 kills at limang blocks tungo sa 16 puntos si Alexis Olgard habang si Myla Pablo ay naghatid pa ng 13 puntos para tulungan ang Lady Slammers sa 25-12, 26-24, 25-19 panalo laban sa Meralco.
Nakabangon agad ang Philips Gold mula sa four-set pagkatalo sa Foton kasabay ng pagpapatalsik na sa Power Spikers na natalo sa ikapitong sunod na pagkakataon.
Winakasan din ng Cignal ang dalawang dikit na pagkatalo sa pagsisimula ng second round gamit ang 25-19, 20-25, 25-10, 25-19 tagumpay sa RC Cola-Air Force sa ikalawang laro.
Ang mga imports na sina Ariel Usher at Amanda Anderson ay mayroong 22 at 15 puntos habang sina Cherry May Vivas, Michelle Laborte at April Ross Hingpit ay nagsanib sa 20 puntos para pantayan ng Cignal ang karta ng nangunguna at semifinalist na nagdedepensang kampeon Petron.
Ikaanim na sunod na kabiguan ang nalasap ng Raiders na kumulekta lamang ng 15 at 12 puntos sa mga imports na sina Lynda Morales at Sara McClinton.
Kailangang maipanalo ng Raiders ang nalalabing tatlong laro at manalangin na hindi na mananalo pa ang Foton para magkaroon pa ng tsansa na makuha ang ikaapat at huling upuan sa semis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.