MATAPOS ang sunod-sunod na paglabas ng mga biktima na diumano’y nahulihan sila sa kanilang mga bagahe na may bala ng baril, at tahasan naman nilang itinanggi ang mga paratang, tuloy pa rin ang naturang modus operandi na ito ng mga mapagsamantalang tauhan ng ating mga paliparan hindi lamang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kundi maging sa ilang paliparan sa mga lalawigan.
Bukod pa sa panibagong insidente sa NAIA kung saan isang babaeng OFW na pabalik na sana sa Hongkong ang panibagong biktima, may isa pang kababayan tayong pareho din ang hinihiyaw.
Ganon din daw ang nangyari sa kanya sa isang airport sa Luzon.
Bakit hindi mahinto ang bulok na style na ito ng mga kawatan sa ating mga paliparan?
Nabisto na, bakit tuloy pa rin?
Only in the Philippines lang ito, wala namang ganitong isyu sa ibang airport sa ibang bansa.
Ngunit sa halip na mag-focus ang ating mga otoridad na mahuli kung sino ang nasa likod ng mga modus na ito, kung bakit ang pinagtutuunan ng pansin ay yung mga taong nahulihan ng bala, na bantang kakasuhan pa.
Siyempre ang laging panuntunan ay kung sino ang nakuhanan ng ilegal na bagay ay siyang dapat managot.
Hindi kaya pang-agaw atensyon lang ito upang mas makapagpuslit pa ng mas malaking bagay tulad ng droga?
Aanhin naman kasi ang balang nakumpiska? Anong motibo?
Nakakasuka nang marinig ang mga ulat na may nahulihan ng bala sa loob ng bag ng turistang dayuhan o nagbabalik na OFW.
Bakit kaya hindi rin kuwestyunin yung mga makakahuli ng turista o OFW na may bitbit na bala?
At ang mga CCTV sa airport, paganahin lahat iyan mula sa pagpasok ng mga bag, at kung saan-saan dadaan ang mga bag na iyan, lahat sila papanagutin at isasama sa imbestigasyon.
Lahat na lang talaga ng ilegal na mga operasyon gagawin diyan sa airport para lamang pagkakitaan.
Wala na rin pinipiling bibiktimahin, kung sino na lang, basta may laglag-pera gang na magaganap, ayos na.
Kahabag-habag na bansa, sa airport pa lamang, hindi ka na paliligtasin. E di lalo pa kayo kung nasa loob ka na ng bansa. Hindi kaya mas katatakutan na puntahan ang bansang ito dahil sa ilegal na mga gawaing tulad nito na nagsisimula mismo sa ating mga paliparan?
Pero kung lahat sila diyan papapanagutin sa bawat balang mahuli, ewan ko na lang kung may maglalaglag pa o kung may mahuhuli pang nagbibitbit ng bala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.