Bong Revilla butata sa korte; ‘di pinayagan dumalo sa birthday party ng anak
IBINASURA ng Sandiganbayan First Division ang hiling ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr., na makadalo sa debut ng kanyang anak Sabado ng gabi sa Alabang, Muntinlupa. Ayon sa korte, ang pagdalo ni Revilla sa kaarawan ng anak na si Ma. Fraznel Loudette ay hindi maituturing na ‘exceptional circumstances’ gaya ng pahayag ng prosekusyon. “The Court is inclined to deny the motion. As correctly pointed out by the prosecution, the instant matter does not present an exceptional circumstance, being merely a social event, that would warrant a deviation from the general limitations on the rights of an accused detention prisoner,” saad ng desisyon. Ikinonsidera rin umano ng korte ang panganib na maaaring kaharapin ni Revilla dahil ang nais niyang puntahan ay isang social gathering kung saan maraming taong pupunta. Nauna ng ibinasura ng korte ang hiling ni Revilla na dumalo sa pagtatapos ni Loudette noong Marso. Nais sana ni Revilla na pumunta sa kaarawan ng anak mula alas-7 hanggang 10 ng gabi ng Sabaod sa Bellevue Hotel, Alabang, Muntinlupa City. Si Revilla ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng pagtanggap umano ng P224.5 milyong kickback mula sa mga non-government organization ni Janet Lim Napoles kung saan napunta ang kanyang pork barrel funds.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.