Paalala ni Lola Nidora sa AlDub nation bago ang road to ‘Tamang Panahon’: Wag pasaway
BAGO pa magtungo sa road to “Tamang Panahon”, ilang paalala ang ibinigay ni Lola Nidora sa libu-libong dadalo sa big event ng KalyeSerye ng Eat Bulaga sa Sabado sa Philippine Arena. Inisa-isa ni lola Nidora at ng kanyang Da Explorer sisters ang mga dapat at hindi dapat gawin sa Sabado para maging maayos ang pinakamalaking pagtitipon ng mga fans ng AlDub. Una, hindi pwedeng mag-camp-out sa Philippine Arena. Ibig sabihin hindi maaaring tumambay ang AlDub fans sa Arena o sa paligid nito Biyernes pa lang. Pero ayon naman kay Lola pwedeng pumunta ng mas maaga sa Arena, madaling araw pa lang ng Sabado dahil alas-6 pa lang ng umaga ay bubuksan ng Arena para makapasok na ang magsisipanood. Alas-10 naman ng umaga ay sisimulan na ang programa kahit alas 11:30 ng umaga pa ang aktuwal na live telecast. Pangalawa, bawal magdala ng pagkain, bottled water at alak. Lalong bawal magtungo roon ng lasing. Pangatlo, bawal din ang lighter, kandila, matutulis na bagay. Pang-apat, hindi rin pwedeng magdala ng sariling silya o bangko. Pang-lima, hindi papayagan ang mga batang may edad 7 pababa na makapasok sa Arena. Ito ay para na rin sa kanilang kaligtasan. Pero payo ni lola, join na lang ang mga tsikiting at mga buntis sa Team Bahay. Ang mga buntis ay pinapayagan pero kailangan pumirma ng waiver. Pero pakiusap ni Lola kung maari ay manatili na ang mga buntis sa bahay Pang-anim, wag na raw magdala ng malalaking bag. Huling payo naman ni Lola saAlDub nation: Wag maging pasaway. Makinig sa lola at mag-enjoy!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.