Sa ngalan ng demokrasya | Bandera

Sa ngalan ng demokrasya

- October 15, 2015 - 03:00 AM

NASA ika-apat na araw na ng filing of certificate of candidacy pero halos 60 indibidwal na ang naghain ng kandidatura sa pagkapangulo. Hindi matatapos ang Biyernes, aakyat pa ang bilang na ito.

Iba’t ibang karakter ang nagsumite ng kanilang COC. Nariyan na may naghain ng kandidatura sa pagkapangulo dahil kinausap daw siya ng Diyos sa pamamagitan ng hangin, habang ang isa naman ay naudyukan ng mga alien, at meron ding sugo ni “Lucifer”. Lahat sila, gaya rin ng mga sinasabing mga lehitimong kandidato, ay iisa ang layunin: Paglingkuran ang bayan.

Pero bakit tuwing halalan na lang ay nagiging katatawanan ang linggo ng filing ng COC? At bakit tuwing halalan ay merong nagsusulputang mga kandidatong gaya nila? At bakit nga ba kailangan pang i-entertain ng Commission on Elections (Comelec) ang mga tulad nila na karamihan ay tinatawag na “panggulo”?

Hindi raw basta pwedeng itaboy ang mga gaya nila. Iyon nga naman daw ang tunay na esensiya ng demokrasya na siyang tinatamasa ng bansa – ang mabigyan ng pagkakataon ang sinomang nais na makatakbo sa pagkapangulo basta masunod lang ang limang rekititos para sa gustong tumakbo. Basta ikaw ay natural born Pilipino, marunong bumasa at sumulat, 40 anyos pagdating ng halalan, registered voter at naninirahan sa Pili-pinas nang hindi bababa sa 10 taon ay pwede nang tumakbo sa pagkapangulo.

Sabihin na nating ito nga ang pinaka esensiya ng demokrasya, ngunit minsan ang sinasabing demokrasyang ito rin kaya ang nagiging dahilan kung bakit tuwing eleksyon na lang ay nagiging katatawanan ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng halalan?

At bakit nga ba kailangan pang patagalin pa ng Comelec ang pag-anunsyo na ang isang kandidato ay nuisance, samantalang marami sa kanila ay mga datihan na ring naideklarang “panggulo”. Hindi ba’t dagdag trabaho at sayang lang sa oras at resources ang pag-entertain sa kanila na sa simula pa naman ay mababatid na walang kakayanan para makapaglunsad ng isang malaki at malawak na kampanya.

Hindi sa minamaliit natin ang kakayanan ng mga taong nakapaghain ng kanilang kandidatura para sa pagkapangulo; baka nga mas higit pang malinis ang kanilang intensyon sa naising maglingkod sa bayan kaysa sa mga sinasabing lehitimong kandidato na kayang gumastos ng bilyon-bilyong piso para maisulong ang kandidatura.

Pero ang sa atin lang ay ang realidad: Hindi na kailangan ng mga henyo o kaya ay ng mga PhD graduates para madetermina kung sino ang may kakayanang maglunsad ng malawakang kampanya; kung sino ang “panggulo” at sino yung pwede talagang kumandidato sa pagkapangulo.

Tuwing eleksyon na lang ay ga-nito ang nangyayari. Kailangan munang payagan ang mga gaya nila na makapaghain ng kandidatura, at para ano? Para maging comic relief sa mainit na takbo ng politika sa bansa. Hindi ba maaaring bawalan na agad sila na makapag-file ng COC at iiwas sila sa ano mang katatawanan.

Hindi kaya naiisip ng Comelec na sa bawat pagpayag nito na makapagsumite o makapaghain ng kandidatura ang mga taong gaya nila ay inilalagay nito ang mga indibidwal na ito sa sitwasyong katawa-tawa o kahiya-hiya. Merong mga pamilya ang mga taong ito na maaari sanang naiiwas na ng Comelec sa posibleng pangngutya kung maaga pa lang ay hindi na sila hinayaang makapagsumite ng kanilang COC at maging tampok ng mga biruan at tawanan.

Pero hinayaan lang ng Comelec, ito nga ay dahil sa ngalan ng demokrasya!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ganito at ganito pa rin ang mangyayari sa bawat presidential election hangga’t walang magtatangka na baguhin ang mga rekititos para sa isang indibidwal na nais tumakbo sa pagkapangulo.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending