Alden iyak nang iyak nang makita si Yaya Dub
Bumaha naman ng luha sa episode ng kalyeserye kahapon sa pagbabalik ni Alden Richards. Talagang nag-iyakan ang audience na nasa studio nang makita nila ang binata.
Pati nga ang iba pang host ng Eat Bulaga ay naiyak din sa pagbabalik ng Kapuso actor. Muling nagkita sina Alden at Yaya Dub ngunit hindi rin ito nagtagal dahil kailangan na ring umalis ni Maine.
Dumating sa kalyeserye na nakabihis yaya sina Lola Nidora (Wally Bayola) at Lola Tinidora (Jose Manalo) at may mga kasamang pulutong na mga yaya para di sila makilala ni Isadora, ang tunay na ina ni Yaya Dub.
Stress na stress si Lola Nidora kapag naaalala si Isadora pero dinadaan niya ito sa pagsayaw para gumaan ang kanyang kalooban. Pagkatapos naman ng Sugod Bahay ay dumating si Yaya Dub na may dalang maleta.
Nakaempake na ito at handa nang pumunta sa ka-mag-anak ni Lola Nidora u-pang doon magtago. Nais kasi munang makausap ni Lola si Isadora upang malaman kung anong plano nito bago iharap sa kanya si Maine.
Binigyan muna ng payo ng mga lola si Yaya Dub bago ito sumakay ng van. At sa pag-aakala ng lahat na dito na matatapos ang kalyeserye ay bigla ngang dumating si Alden sa Broadway na tumatakbo.
Pero panandalian lang ang mga ngiti ng dalawa dahil saglit lang sila nagkita dahil tuluyan nang umalis si Yaya Dub. Dito na napaiyak si Alden. Bago umalis si Maine ay sinabi ng binata sa pamamagitan ng fan sign na “Hindi ako susuko para sa ating dalawa” na ikinaluha rin ni Maine.
Nag-sorry din ang binata dahil matagal itong nawala. “May mga bagay talaga na di mo mahahawakan ng kamay mo. Ang mga hindi mahahawakan ng kamay mo ay hawakan mo ng puso mo.
Walang magbabago sa inyo,” payo sa kanya ni Lola Nidora. Sa pagtatapos, dumating ang dalawang Rogelio ni Lola Nidora na punit-punit ang damit at sugatan at biglang sumigaw si Lola Nidora. Bakit kaya? Abangan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.