Pasabog ni Paolo sa EB buwis-buhay; sumirko-sirko na sa ere, ’nagbigti’ pa
Si Paolo Ballesteros ang itinanghal na grand winner sa ginanap na Bulaga Pa More, Dabarkads Pa More final showdown kahapon sa Eat Bulaga. Buwis-buhay ang ibinigay na performance ng TV host-comedian sa mga dabarkads.
Talagang nagpabitin-bitin siya sa ere habang sumisirko. Napanganga ang lahat ng dabarkads sa pasabog ni Paolo, kabilang na ang tatlong celebrity judges na sina Jennylyn Mercado, Mike Enriquez at Jessica Soho.
As in napatulala ang lahat sa pinaggagawa ni Paolo sa stage, lalo na ang huling pasabog niya – ang tila pagbibigti niya sa katapusan ng kanyang production number kung saan itinali niya ang kanyang ulo sa kisame ng stage at nagpaikut-ikot na parang elisi ng helicopter.
Tinalo niya ang iba pang dabarkads na nakasali sa grand finals, kabilang na sina Ryzza Mae Dizon na agaw-eksena rin sa kanyang doble-kara number, lalo na ang panggagaya niya kay Apl.de.Ap; Patricia na buwis-buhay din ang ginawang pasabog kung saan nagpabitin-bitin din sa ere; si Ruby Rodriguez na nag-dubsmash pa more featuring the past segments of Eat Bulaga; at siyempre ang huling nagpakitang-gilas na si Yaya Dub sa kanyang dubsmash at dance pa more number.
Muli rin niyang ipinakita ang kanyang galing sa pagda-drums nang naka-blindfold. Todo suporta naman sa studio ang tatlong lola ni Yaya na sina Lola Nidora (Wally Bayola), Tinidora (Jose Manalo) at si Tidora (Paolo) na agad nagpalit ng kanyang outfit para i-cheer si Maine sa production number nito.
Samantala, sa pagtatapos ng kalyeserye kahapon, muling ipinakita ang misteryosang babae na nakatalikod pa rin sa kamera. Binabantayan nito ang bawat kilos ni Yaya Dub.
Ito na kaya ang tunay na ina ni Yaya na si Isadora o isa na naman itong kontrabida na hahadlang sa pag-iibigan ng AlDub?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.