WHEN it rains, it pours. Sagad ang buhos kapag umulan.
Sagad ang kamalasan ni Vice President Jojo Binay nang sinampahan siya ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman ng kanyang dating alipores hinggil sa kanyang diumano’y pandedekwat ng pera ng Boy Scout of the Philippines (BSP).
Bukod pa diyan, sumadsad na naman ang kanyang rating sa pinakahuling survey ng Social Weather Station; mula 64 percent bumaba ng 58 percent.
At meron pang darating na mga unos sa buhay ni Binay, na dating mayor ng Makati City.
May mga bali-balita na ididiin siya at ang kanyang anak na si suspended Makati Mayor Junjun ng Ombudsman at isasampa ang plunder case sa Sandiganbayan.
Kapag nagkataon, dalawa silang mag-ama ang makukulong at hindi makakapagkampanya dahil ang kasong plunder ay hindi napipiyansahan.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula nang matatag ang BSP na nadamay sa anomalya ang dating organisasyon ng kabataan.
Ayon kay dating Vice Mayor Nestor Mercado, nakatanggap ng kickback si Binay, BSP national president, kaugnay ng pagpayag ng BSP na ipagamit sa Alphaland ang isang ektaryang lupa nito sa Makati City.
The boy scout movement teaches youth to be honest and trustworthy, among others.
Binaboy ni Binay at ng kanyang mga kaalyado ang boy scout movement.
Sa halip na maging halimbawa ng mga kabataan, si Binay ay nagtuturo na okay lang ang magnakaw.
Kung kayo’y matino na magulang, hindi ninyo pasasalihin sa boy scout ang inyong anak dahil sa naging masamang pangalan nito.
Sa aking parte, kinausap ko ang aking mga anak na huwag munang isali sa boy scout ang aking mga apo habang si Binay ay national president ng BSP.
Marami-rami rin ang aking mga apo (Hehehe!).
Ang isinusulong na tandem nina Davao City Mayor Rody Duterte at Sen. Bongbong Marcos ay napakamatatag na samahan.
Makukuha ni Duterte ang “Solid South” o Mindanao at si Bongbong naman ay ang “Solid North” na kinabibilangan ng mga Ilocano provinces sa Luzon, plus ang loyal constituents ng kanyang inang si Imelda sa Leyte at Samar.
Ang Solid North ay binubuo ng mga probinsiya ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Pangasinan, La Union, Nueva Vizcaya, Cagayan Valley, Isabela, Kalinga-Apayao, Benguet, Mountain Province.
Kung tatakbo si Duterte, boboto sa kanya ang karamihan ng Mindanao dahil siya’y taga Mindanao.
Gusto ng mga taga Mindanao na magkaroon ng Pangulo na anak ng Kamindanawan. First time in history ito kapag nagkataon.
Ang Cebuano-speaking provinces sa Visayas—Cebu, Bohol, Southern Leyte, Siquijor at Negros Oriental—ay boboto kay Duterte.
Ang salita kasi sa Davao City, gaya ng halos lahat ng Mindanao, ay Sugbuhanon o Cebuano.
Ang mga botante sa Metro Manila at mga karatig probinsiya, na sagad na sa problema sa droga at krimen, ay boboto kay Duterte dahil sa kanyang kakaibang pamamaraan sa pagpuksa ng krimen at droga.
Sa parte ni Marcos, iboboto siya ng mga tao dahil sa kanyang ipinakita talino at sipag sa Senado.
Ang hindi lang boboto kay Bongbong ay yung mga rabid anti-Marcos dahil di pa nila nakakalimutan ang kanilang dinanas noong martial law.
Maraming botante na boboto kay Marcos ang hindi pa napapanganak noong martial law.
Bukod pa roon, bakit naman ipapasa ang kasalanan ng kanyang mga magulang na si Ferdinand at Imelda kay Bongbong na noon ay estudyante pa?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.