KUNG ano ang taas ng lipad, siyang lagapak kung bumagsak. Hindi masama ang mangarap ng mataas lalo na kung ito ay si-nisikap matupad sa mali-nis na paraan. Hindi dapat itinutulak sa pagiging mayabang ang sinumang nangangarap ng mataas. Sa halip, dapat niyang abutin ang pangarap nang nakalapat ang mga paa sa lupa. Mas mabuting maglakbay nang nakaapak sa lupa ang mga paa upang marating ang mga pa-ngarap.
Iyan ang pagninilay at pagsasagawa mula sa Ebanghelyo (Zac 8:1-8; Slm 102; Lc 9:46-50) sa paggunita kina San Lorenzo Ruiz at mga kasama, mga martir, na pinalawig ng mga pari sa maraming simbahan. Dumadalas na ang patama’t pagbatikos ng mga pari kay BS Aquino, lalo na sa kanyang paupos na gobyerno, na mauubos na lang ang ningas ay walang ningning na iiwan sa mahihirap, sa mga biktima ng kalamidad, lalo na ang pininsala ni Yolanda, gera sa Zamboanga City at lindol sa Bohol.
Pero, nariyan naman ang asawa ni Korina Sanchez na si Mar Roxas Roxas, na siyang magpapatuloy ng lahat na sinimulan ni Aquino, lalo na ang tuwid na EDSA, este daan. Nariyan naman si Grace Llamanzares, na parating karay-karay ang ngalang FPJ (na wala namang nagawa sa pagkalam ng sikmura ng masa), na lulunurin ang bansa sa magagandang pangako. Nariyan naman si Digong Duterte, na tutumbahin ang lahat ng tiwali (at magiging 20 milyon na lang ang populasyon ng bansa).
Malapit nang kasuhan si Florencio Abad, kung ang susundin ng Ombudsman (ayokong banggitin kung sino siya, hindi bagay sa kanyang ganda) ay si Aquino mismo, na nagsabing: What should we show society and most especially the next generation? For me, what is important is, if you committed a crime, you must pay for it. Kaya ilang tulog na lang ay kakasuhan na ng kidnapping si Leila de Lima, dahil sa pananaw ni Duterte, kinidnap nito, kasama ang pagsang-ayon nina Aquino at PNP, si Gloria Arroyo.
Amoy Marcos na. Noong Martes ng umaga hanggang bago magtanghali ay tila may kumpas ang mga motorista sa Commonwealth ave., at Sikatuna Village sa Quezon City; Valle Verde sa Pasig at Better Living sa Paranaque. Nag-ingay ang mga ito sa pamamagitan ng businang “Marcos, Marcos, Marcos Pa Rin,” paulit-ulit, hanggang sa may sumabay na ilan ding motorista. Magandang balita yan kay Bongbong, kung hindi siya ang nag-utos nito.
Sana’y huwag nang magpadala ng balikbayan boxes ang mga OFW nga-yong Pasko. Nakaamba ang P180,000 customs duty bawat lata (container) sa Pasko. Noong Hulyo, P40,000 per lata na ang customs duty at ngayong Oktubre, P60,000, bukod pa iyan sa P80,000 na si-nisingil na. At sa OFW ipapatong ang taas-singil sa bawat lata ng mga forwarders. Kukubain muna bago patayin ang OFWs.
Sunud-sunod na ang raid kontra droga, na kamakalawa ay sa Norzagaray (Bulacan) at Tagbilaran (Bohol). Huwag munang pumalakpak. Dalawang bagay ang puwedeng nangyari: nagpapataas-presyo ang protektor na mga politiko o sawang-sawa na ang iilang matitinong pulis ngayong paupos na ang kapangyarihan ni Aquino. Tumaas ang insidente ng droga sa kanyang termino.
Saklolo, Cong. Recom Echiverri! Marami na ang may dengue sa first district. Konti na ang gamot sa Jose N. Rodriguez Memorial Hospital (Tala). Wala na ring dengue testing kits noong ako’y nagtanong. Bagaman hindi pa maituturing na epidemya, kung marami naman ang tinatamaan, natataranta ang mahihirap. Ang walang masulingan, sa oras ng labis na kagipitan, ay nagtatanong kung tulog ba ang gobyerno. Tulog ka ba?
Baka manalo si Jovito Palparan kapag tumakbong senador. Tuwing eleksyon, tumatakbo pagka senador ang kandidato ng kaliwa. Talo parati. Alam ng taumbayan ang kaaway ng gobyerno: ang komunista.
MULA sa bayan (0916-5401958) : Hindi estudyanteng taga-UPLB ang nagtanong kung bakit hindi tumayo si Apolinario Mabini sa pelikulang Heneral Luna. Hoy, paanong tatayo ang lumpo? …9102
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.