Dahil walang driver’s license, 2 OFW napauwi sa Pinas
KAPAG marunong magmaneho, may puhunan ka na!
Noon pa man, uso na ang katagang iyan. At para magamit ang puhunang iyan, siyempre kailangan meron ka munang lisensiya na siyang magpapatunay na may kakayahan nga sa pagmamaneho.
Dahil sa isyu ng driver’s license, malungkot na lumapit sa Bantay OCW si GDC mula sa Macau.
Mahigit dalawang buwan na umano siyang nagtatrabaho sa isang trading company doon bilang isang driver.
Bago siya umalis ng Pilipinas ay nagpa-renew siya ng kanyang lisensiya. Ang problema, walang available na credit card type license noon kung kaya’t isang pirasong papel lamang ang ibinigay sa kaniya. Iyon ang O.R o official receipt mula sa Land Transportation Office o LTO.
Ramdam ni GDC na walang tiwala ang kanyang employer sa resibong iyon. Halos araw-araw siyang tinatanong at hinahanapan ng kanyang driver’s license.
Desperado na si GDC kung kaya’t naniwala ito sa mga kasamahan niya sa Macau na magpadala na lamang umano ng pera sa Pilipinas na lalakad sa kaniyang lisensiya.
Ang masaklap, gumamit siya ng fixer dito sa Pinas at umabot sa P8,000 ang naipadala niya para maayos ang kanyang lisensya ngunit hanggang ngayon ay di pa rin ito naipapalabas.
Dahil walang lisensiya, nagdesisyon ang employer ni GDC na pauwiin na lang siya para personal na kunin ang kanyang lisensiya.
Di niya akalain na kakanselahin ang kanyang working visa sa panahong umuwi siya ng Pilipinas.
Hanggang Oktubre ng 2017 ang kanyang visa ngunit pinutol na iyon ng Macau immigration at kailangan pa umanong hintayin ang isang buwan kung nais niyang makabalik muli sa Macau.
Hindi rin alam ng kanyang employer na kakanselahin ang visa niya. Kaya’t kailangang tapusin ni GDC ang isang buwan habang i-naayos ang kanyang dri-ver’s license at umaasang makababalik pa sa Macau.
Ilang araw na lamang bago matapos ang ban na isang buwan, lumapit si GDC sa Bantay OCW. At nakita naming mabilis na tulong na maaaring maibigay sa kaniya ay ang hilingin sa ating Konsulado ng Pilipinas sa Macau na makipag-ugnayan sa employer ni GDC at alamin kung ano nga ba ang status ng employment ni GDC dahil ang alam niya, pabalik na siya ng Macau.
Mabilis namang umaksyon si Labor Attache’ Vivian Tornea ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at nakausap niya ang employer ni GDC.
Ang malungkot, terminated na pala si GDC dahil pinauwi na nga ito dahil walang lisensiya, bukod pa sa nakakuha na sila ng kanyang kapalit.
Lungkot na lungkot si GDC. Hindi niya akalaing mawawalan pala siya ng trabaho nang dahil walang naibigay na maayos na driver’s license sa kanya.
Lisensiya rin ang dahilan ng pagpapauwi kay Eric, OFW mula sa Qatar.
Trailer driver umano ang inaplayan niya doon. Ngunit pagdating sa Qatar, kulang ang restriction na dapat ibinigay sa kaniya. Kailangan ay 1,2,3 at 8. Wala ang numerong 8 sa kanyang driver’s license.
Pagkukulang ito ng ahensiyang nagpaalis kay Eric. Hindi nila napansin ang kakulangan sa numero 8. Kaya naman ang kaawa-awang OFW ay ginawang janitor sa loob ng anim na buwan at pagkatapos ay pinauwi.
Ang problema kay E-ric, hindi ito lumapit sa ating embahada sa Qatar dahil marami na umano siyang naririnig na mga reklamo mismo mula sa ating mga kababayan na hindi naman sila tutulungan ng embahada.
Upang makauwi ay nagpadala na lamang ng pera ang mga kamag-anak ni Eric upang may maipamasahe siya pabalik ng Pilipinas.
Dahil sa driver’s license kung kaya’t nawalan ng trabaho sina GDC at Eric.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.