Gilas Pilipinas pinataob ang Iran
Laro Ngayon
(Changsha Social Work College Gym)
2:30 p.m. Gilas Pilipinas vs India
IPINAKITA ng Gilas Pilipinas na hindi na ito magpapasindak sa mga bigating katunggali matapos patumbahin ang defending champion Iran, 87-73, sa kanilang 2015 FIBA Asia Championship second round game kahapon sa Changsha Social Work College Gym sa Changsha, China.
Hindi pinaporma ni Andray Blatche si Hamed Haddadi sa kanilang unang paghaharap sa isang international tournament na nagpayanig sa Iranians sa second half at naging daan ito para maiwanan ng mga Pinoy cagers ang katunggali.
Maliban sa kanyang 18 puntos at pitong rebounds, hindi hinayaan ni Blatche na magdomina si Haddadi sa loob ng shaded area para ang 10 puntos na kalamangan ng mga Iranians sa kaagahan ng ikatlong yugto ay biglang maglaho.
Kumamada si Jason Castro ng 26 puntos habang sina Terrence Romeo at Calvin Abueva ay nag-ambag ng 15 at 13 puntos para pamunuan ang Pilipinas, na naagaw ang unang puwesto sa Iran sa Group E matapos umangat sa 3-1 karta.
Pinangunahan ni Samad Nikha Bahrami ang Iran sa ginawang 21 puntos habang si Haddadi ay nagtala ng 10 puntos at pitong rebounds.
“This is what you hope for in this tournament – a great game,” sabi ni Gilas Pilipinas coach Tab Baldwin. “We’re happy of course with the win, but in the dugout, there’s a lot of humility there.”
“The guys were saying that we have a lot more work left and we have to take care of business tomorrow,” sabi pa ni Baldwin na ang koponan ay makakasukatan ngayong alas-2:30 ng hapon ang India na galing sa come-from-behind 76-71 panalo kontra Hong Kong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.