Gilas Pilipinas dinaig ang Japan
Laro Ngayon
(Changsha Social Work College Gym)
11:45 a.m. Gilas Pilipinas vs Iran
BINALEWALA ni Andray Blatche ang ankle injury sa kanang paa para pamunuan ang Gilas Pilipinas sa 73-66 panalo kontra Japan sa pagsisimula ng 2015 FIBA Asia Men’s Championship second round kahapon sa Changsha Social Work College Gym sa Changsa, China.
Si Blatche ay nagtapos na may 18 puntos at 10 rebounds bagamat naglakad ng paika-ika sa kaagahan ng ikalawang yugto bunga ng inindang right ankle injury.
Si Ranidel de Ocampo ay kumamada ng 13 puntos kabilang ang 3-of-6 3-point shooting habang sina Jason Castro at Terrence Romeo ay nagdagdag ng tig-12 puntos para sa Pilipinas. Si Calvin Abueva ay nag-ambag ng 10 puntos at anim na rebounds.
“It was everything we expected to be – a tough game,” sabi ni Gilas coach Tab Baldwin matapos na maharap ang mga Pinoy sa pinakamalaking puntos na paghahabol sa torneo na 10 puntos sa ikalawang yugto bago naitakas ang ikatlong sunod na panalo at manatili sa itaas ng Group D.
Susunod na makakaharap ng Pilipinas ang defending champion Iran sa larong gaganapin ngayong alas-11:45 ng umaga.
Ang Iran ay galing sa tambakang panalo sa Hong Kong, 111-56.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.