Lim, Patrimonio nagkampeon sa PCA Open tennis
HINDI na maikakaila na si Alberto Lim Jr. ang tunay na masasandalan sa hinaharap ng Philippine tennis.
Sinelyuhan ng 16-anyos na si Lim ang taguring ito nang agawin ang men’s singles title kay Patrick John Tierro, 6-3, 7-6(5), sa finals ng 34th Philippine Columbian Open (PCA) Open Wildcard Tournament kahapon sa PCA clay court sa Paco, Maynila.
Hindi tulad sa kinalabasan ng naipanalong laro laban kina Francis Casey Alcantara at Johnny Arcilla sa quarterfinals at semifinals na umabot sa tatlong sets, straight sets ang naitalang panalo sa championship match nang kakitaan ng solidong laro ang batang netter habang kumulapso ang laban ng beteranong si Tierro.
“Hindi naman po puwedeng tingnan sa ganyan ng tennis. Parehas po ang bigat ng laban mula sa first match ko hanggang sa last match, talagang binuhos ko ang lahat sa laban,” wika ni Lim.
Ang karanasan sa paglalaro sa labas ng bansa ay nakatulong din wika nito dahil nagawa niyang paghandaan ang mga malalakas na serve ni Tierro.
“Sinikap kong maging solid ang laro ko. Ang first serve ko dapat accurate, hindi rin puwedeng magmintis sa every point na pinaglabanan,” dagdag nito. Halagang P50,000 ang naibulsa pa ni Lim at sila ni Tierro ay maglalaro na sa main draw sa Manila ITF Men’s Futures Leg 2 sa Oktubre sa nasabing palaruan.
“Hirap talaga ako sa court na ito because I llike fast paceat sa clay court ay mabagal ang laro. But AJ has also improved a lot at lalo siyang nagkaroon ng confidence noong tinalo niya sina Nino at Johnny,” pahayag ni Tierro.
Halagang P25,000 ang gantimpala na nakuha ni Tierro pero hindi niya lilisanin ang edisyon na walang titulo dahil nagkampeon sila ni Arcilla sa men’s doubles nang pataubin sina Alcantara at Ronard Joven, 3-6, 6-3, 10-7.
Dalawang titulo naman ang napanalunan ni Clarice Patrimonio nang nakuha niya ang women’s singles at doubles titles.
Tinalo ni Patrimonio si Maia Balce, 6-4, 6-3, para sa women’s singles matapos magbunga ang tambalan nila ni Sjaira Hope Rivera sa doubles kontra kina Marinel Rudas at Edilyn Balanga sa women’s doubles, 6-4, 4-6, 7-6(2).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.