PNoy takot sa negosyante kaya income tax ayaw ibaba
SA kabila ng pagtutol ni Pangulong Aquino sa panukalang babaan ang income tax na pinapataw sa mga manggagawa, umaasa pa rin ang lahat na maisasabatas ito.
Pawang mga kaalyado ni PNoy ang nagsusulong ng panukalang batas sa pamumuno ni Marikina Rep. Miro Quimbo.
Hindi kataka-takang tutulan ito ni Aquino. Hindi ba’t mismong sina BIR Commissioner Kim Henares at Finance Secretary Cesar Purisima ang humaharang dito kaya inaasahan na ang dalawang opisyal ang papakinggan ni PNoy.
Ang idinadahilan ni Aquino sa kanyang posisyon laban sa mas mababang income tax rate ay magreresulta daw ito sa panibagong buwis dahil bababa ang kikitain ng gobyerno.
Kung hindi natin alam na marami pa ring mga negosyante ang hindi nagbabayad ng buwis, tatanggapin na lang natin na wala na ngang pag-asa itong makapasa.
Pumunta ka lamang sa mga Divisioria, Binondo, Greenhills at iba pang mga tiangge at mga mall, malalaman mong hindi nagbabayad ng tamang buwis ang mga negosyante dahil hindi naman sila nagbibigay ng resibo.
Kung ginagawa lamang sana ng BIR ang trabaho nito, mas malaki sanang buwis ang nakokolekta nito.
Hindi ka mabibigo, Commissioner Henares, na magpadala ng tao sa mga tiangge at mga mall para malamang marami pa rin ang hindi nagbabayad ng buwis lalu na ang mga banyagang mangangalakal.
Automatic kung kaltasan ang mga empleyado kayat walang lusot ang mga ordinaryong manggagawa kaya sa konting ginhawang maibibigay sa kanila, todo tanggi pa ang gobyerno.
Ano ba ang ikinatatakot ni PNoy kung sakaling maipasa ito sa kanyang administrasyon gayong ilang buwan na lamang ang kanyang termino?
Kung tutuusin pabor pa nga kay Pangulong Aquino at sa kanyang manok na si dating DILG Secretary Mar Roxas dahil dagdag boto pa nga ito para sa administra-syon.
O baka naman takot lang si PNoy sa magiging reaksyon ng mga negosyante?
Hindi kailangan ng bagong buwis kung maipapasa man ang panukalang batas na ito. Ang kailangan lamang ayusin ang pangongolekta ng BIR at maging ng Bureau of Customs (BOC).
Naghihintay ang lahat kung ang mangingibabaw dito ay ang mas nakakarami at hindi ang boses lamang nina Purisima at Henares.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.