Anim katao ang nasawi nang sumalpok ang sinakyan nilang utility vehicle sa isang mixer truck sa Davao City kamakalawa (Sabado) ng gabi, ayon sa pulisya.
Nasawi ang driver na si Jacinto Yamomo at mga sakay niyang sina Presentation Yamomo, Jeoffrey Yamomo, Jevencia Pilapil, Fe Gamat, at Victoria Ogahayon, pawang mga residente ng Pioneer Village, Digos City, sabi ni Supt. Antonio Rivera, tagapagsalita ng Southern Mindanao regional police.
Idineklara silang dead on the spot ng mga rumespondeng paramediko, aniya.
Naganap ang insidente dakong alas-9, habang minamaneho ni Jacinto ang Mitsubishi Adventure (LFN-205) sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Lasang, Bunawan district.
Lumabas sa imbestigasyon na pumasok sa kabilang lane ang Adventure kaya sumalpok sa kasalubong na mixer truck (AAF-8325), na dala ni Jaime Trazona.
Nagtamo ng matinding pinsala ang dalawang sasakyan dahil sa lakas ng impact, ani Rivera.
Nasa kostudiya na ng Davao City Police Station 6 (Bunawan) si Trazona para sa karagdagang imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.