WALANG nanalo o natalo sa bangayan ng gobyerno at Iglesia ni Cristo (INC) kahit na ang home-grown Christian sect ay nagsasabing panalo sila matapos ang limang araw na protesta sa Edsa laban kay Justice Secretary Leila de Lima.
Ayaw ibunyag ng gobyerno kung anong napagkasunduan nito sa sekta, pero nakatitiyak ako na hindi ipapakain si De Lima sa mga leon.
Binabawi ko ang sinabi ko sa aking column dito sa Bandera noong Martes na maaaring nagbigay daan ang gobyerno sa mga demands ng INC.
Parang hindi sa pag-uugali ni Pangulong Noynoy na tanggalin ang isang subordinate kahit na nga ito’y napaka-corrupt; sa kaso ni De Lima, itinataguyod niya lang ang bantayog ng batas.
The government was bargaining from a position of strength: Nakasandal ito sa napakaraming mamamayang Pilipino na nabanas sa ginawang pag-aalburuto ng sekta.
Ang sinasabi ng INC na nanalo sila ay mababaw dahil hindi nga umabot ng 100,000 ang mga miyembro nito sa kanto ng Edsa at Shaw Blvd., na pinangyarihan ng kilos protesta.
Malaking kulang ang nasabing bilang sa one million na mga miyembro na ipinagmalaki ng INC na dadalo sa kilos protesta.
Naipakita tuloy ng INC na humihina na ang kanilang hanay dahil sa unti-unti na silang nalalansag dahil sa away sa loob ng kanilang simbahan.
Naaalala ko tuloy ang sinabi ng Chinese military strategist noong unang panahon na si Sun Tzu sa kanyang “Art of War.”
Ito ang isa sa kanyang istratehiya sa labanan: Kapag ikaw ay mahina, magkunwari ka na ikaw ay malakas. At kapag ikaw naman ay malakas, magkunwari ka na ikaw ay mahina.
Hindi mahina ang gobyerno nang nakipag-usap sa INC. Nagkunwari lang itong mahina upang utuin ang sekta.
Ang pinakamalaking talo sa bangayan ng gobyerno at INC ay si Sen. Grace Poe, na nangunguna sa mga surveys ng mga possible presidential candidates.
Ang diumano’y pagsisipsip niya sa INC ang nagpagalit ng karamihan sa mamamayang Pilipino.
Ipinamalas ni Poe na siya’y mababaw nang sinabi niya na dapat huwag usigin ang INC dahil sa kanilang relihiyon samantalang ang itinataguyod ni De Lima ay ang batas.
Ayaw kasi ng INC na imbestigahan ng Department of Justice ang mga miyembro ng sanggunian ng simbahan na sinampahan ng kasong serious illegal detention ng dating ministro ng simbahan.
Kapag natuloy ang kaso, hindi makapagpipiyansa ang mga nasasakdal.
Maraming mga botante na hindi miyembro ng INC ang hindi boboto sa kanya dahil sa kanyang sinabi na religious persecution ang ginagawa ng gobiyerno sa sekta.
Ang ibang mga heavy losers ay sina Sen. Chiz Escudero at Vice President Jojo Binay.
Inilantad ni Chiz ang kanyang pagiging sipsip at kawalan ng prinsipyo upang siya’y mailuklok sa mas mataas na puwesto.
Mahihirapan niyang makuha ang puwesto ng vice president.
At si Binay? Ah, hindi kataka-taka na siya’y sumipsip sa INC dahil desperado siyang makuha ang boto nito.
Ang INC kasi ay bumoboto bilang isang bloke sa eleksiyon.
Ayon sa mga bulong-bulungan, nagbigay pa raw ng mga sasakyan si Binay sa mga miyembro ng INC patungong intersection ng Edsa-Shaw.
Si Binay ay isang traditional politician o trapo. Trapo, as in basahan.
Yung mga pulis-Maynila na nag-aresto kay Michael Hingpit dahil siya’y isang bakla na may kasamang lalaki ay dapat sigurong ipasok sa mental hospital.
Baka kasi mahawa nila ang ibang miyembro ng kapulisan sa kanilang nakakadiring sakit na parang rabies sa aso.
Matapos nilang kunin ang cellphone at cash na P5,500 ni Michael, binugbog nila ito nang nagmakaawa ang bading na isoli nila ang kanyang gamit at pera.
Hindi pa nakuntento na suntukin, tadyakan at tutukan ng baril ang nakaposas na si Michael: Pinipilit pa nila na tsupain ng pobre ang kanyang boyfriend sa kanilang harapan.
Matinding tumutol ang bading.
Ako’y isang jaded journalist at bilang dating police reporter ay sanay na akong makarinig ng pang-aabuso ng pulis sa mga sibilyan, pero muntik na akong masuka nang sinalaysay ni Michael ang dinanas niya sa mga pulis ng Station 8 ng Manila Police District.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.