Walang naramdamang selos sina Ogie at Charlene
KUNG nagpakaseryoso sa kanilang pag-arte at todo laplapan ang ginawa nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo sa “The Mistress”, patatawanin naman nina Aga Muhlach at Regine Velasquez ang mga manonood ng pelikula nilang “Of All The Things” ng GMA Films at Viva Films sa direksiyon ni Binibining Joyce Bernal.
Kaya namin inihambing ang dalawang loveteam ay dahil ang tambalang Aga at Regine ang isa rin sa sinubaybayan ng marami dahil sa tindi ng kanilang chemistry at maski na hindi rin sila nagkaroon ng relasyon ay napanatili nila ang maganda nilang samahan on and off screen.
Mahusay magbitiw ng punchlines si Regine kaya naman hagalpakan ang manonood sa kanya habang si Aga naman ang nagdala ng mga madadramang eksena kaya swak na swak ang dalawa sa kuwento ng pelikula.
Nakakaaliw lang ang supporters nina Aga at Regine dahil mga pangalan palang nila ang ipinakikita sa screen ng SM Megamall cinema 10 ay nagsisigawan na.
Natatandaan namin, ganyan din ang senaryo noong nanood kami ng mga pelikula nilang “Dahil May Isang Ikaw” (1999) at “Pangako Ikaw Lang” (2001) na parehong idinirek ni Joyce.Isa rin kami sa nag-aabang sa tambalan ng dalawa kaya nakisiksik din kaming manood sa premiere night ng “Of All The Things” noong Biyernes para muli silang masilayan sa big screen pagkalipas ng mahigit na isang dekada.
At dahil tatlong taon nga ang nakalipas bago natapos ang pelikula kaya naiiba ang mga itsura nina Aga at Regine na ginawan lang ng paraan para hindi masayang ang mga naunang nakunan noon.
May mga kuhang mataba at payat sina Aga at Regine sa pelikula dahil nga nu’ng umpisahan nila ang “Of All The Things” ay dalaga pa ang singer-actress at hanggang sa ikinasal, nabuntis at nakapanganak na.
Kuwento rin sa amin ni direk Joyce, talagang nanghinayang siya sa pelikula kung hindi ito tatapusin at maging ang producer na si Boss Vic del Rosario ay talagang nag-effort para matapos ang movie maski na hindi ito kumita ng singlakas ng mga naunang pelikula nina Aga at Regine. Okay na raw sa kanila kahit makabawi lang sa puhunan.
Pero base naman sa napanood namin ay baka nga sumobra pa sa inaasahang puhunan ni boss Vic ang ibabalik ng “Of All The Things” dahil marami pa ring kinikilig sa tambalan ng dalawa.
Komedyana talaga si Regine at sinamahan pa ni John Lapus na isa ring luka-luka kaya hagalpakan ang mga tao sa mga eksena nila.
Bagama’t medyo luma ang plot ay tumayming naman ang istorya dahil abogado ang papel ni Aga na planong pasukin ngayon ang pulitika at tayming din dahil karamihan sa eksena sa pelikula ay kinunan pa sa Camarines Sur, kung saan tatakbong kongresista si Aga.
Sabi naman ni direk Joyce, three years ago ay hindi pa naman niya alam na papasukin ni Aga ang pulitika kaya nagulat silang lahat ng magpahayag ang aktor na tatakbo sa susunod na eleksiyon.
Napakasimple ng istorya ng “Of All The Things”, nang hindi naipasa ni Aga ang bar exams ay bumagsak siya sa pagiging notary public lawyer sa tabi ng Manila City Hall hanggang sa nakilala niya ang professional fixer na si Regine at naging partners in crime.
Hindi rin nagdamot sa mga fans sina Aga at Regine dahil marami-rami rin silang kissing scene sa movie, ‘yun isa nga diyan ay laplapan talaga.
Pero sigurado kaming hindi naman ito big deal kina Ogie Alcasid at Charlene Gonzales na present din sa premiere night.
Ano kayang gradong ibibigay ng Cinema Evaluation Board sa “Of All The Things”? Curious lang po.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.