Bantay OCW: May tulisan nga ba sa DUBAI? | Bandera

Bantay OCW: May tulisan nga ba sa DUBAI?

- September 21, 2012 - 03:38 PM

ITO ang tanong namin sa ating Konsulado ng Pilipinas sa Dubai dahil sa isang text message na nakuha ng Bandera sa isa sa mga readers nito.

“Matindi po ang idudulog kong problema sa inyo.

May kapatid po akong namatay sa Dubai noong May 20, 2011 pa.

Ang kaso po, nilusob ang bahay ng amo niya nang  siya lang ang nandon, according po sa amo niya.

Pinatay yung kapatid ko ng mga tulisan at hanggang ngayon ay wala pa ring resulta ang imbestigasyon.

Formal na nag file na sa DFA-Davao ang anak ng biktima,  pero wala pa ring aksyon.

Sana po matulungan ninyo kami”. — Mike Daud, 37, Cagayan De Oro City,…..5087 Nabahala ang Bantay OCW nang matanggap namin ang mensaheng ito.

Kaya naman tinawagan namin kaagad si Mike on-the-air sa Radyo Inquirer 990 AM, na nasa Cotabato na noon upang hanapin ang mga dokumento ng kapatid na OFW na si Melanie Panda.

Ayon kay Mike magtatapos na sana noong Disyembre 2011 ang dalawang taong kontrata ni Melanie nang matanggap nila ang tawag mula mismo sa among Kuwaiti national at ibinalita na napatay nga raw si Melanie ng mga Indiyanong tulisan na lumusob sa kanilang bahay.

Noong Mayo 19, 2012, isang araw bago natanggap ni Mike ang tawag mula sa Dubai, nakausap pa ‘anya niya si Melanie.

Wala namang nabanggit na reklamo ito laban sa kanyang employer at tanging napag-usapan lamang nila ang apat na mga anak ni Melanie.

Bilin nito kay Mike na kung sakaling magpapaalam ang anak niya upang mag-domestic helper sa Saudi, huwag ‘anyang papayagan ito ng tiyuhin dahil nakatapos naman ito sa pag-aaral. Biyuda na si Melanie.

Ang labis pa naming ipinagtataka, hindi pa pala naiuuwi ang bangkay ni Melanie, kung napatay nga itong talaga sa Dubai, gayong mahigit isang taon at apat na buwan na itong naitawag na namatay.

Agad kaming nakipag-ugnayan kay Labor Attaché Delmer Cruz ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa ating Philippine Embassy sa Dubai, UAE.

Ikinagulat din ni Cruz ang naturang sumbong dahil wala naman ‘anyang kaso ng mga tulisan na napapaulat doon.

Agad ‘anyang magsasagawa ng imbestigasyon ang ating konsulado at makikipag-ugnayan na rin sila sa Dubai Immigration.

Naibigay na rin namin ang pangalan at contact number ng employer ni Melanie sa ating embahada.

Umaasa kaming mareresolba sa lalong madaling panahon ang kasong ito.

***

May ipinadala namang text message si Consuelo Suico ng Davao City para sa OFW niyang pamangkin na si Perlita Villapa na nasa Saudi Arabia.

Kaagad  na ipinagbigay-alam ng Bantay OCW sa ating Philippine Embassy sa Riyadh, KSA ang reklamong ito.

Natanggap ni Labor Attaché Albert Valenciano ang ibinigay nating kumpletong mga detalye at inaasahang kaagad na kikilos ang ating Philippine Overseas Labor Office (POLO-Riyadh).

Huwag na po munang makipag-ugnayan ng direkta si Ms. Suico sa employer ni Villapa at hintayin po muna natin ang resulta ng imbestigasyon ng ating embahada.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

***

Editor:  May nais po ba kayong idulog sa Bantay OCW, i-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374, at sisikapin naming tugunan ang inyong mga reklamo.
vvv
Si Susan Andes a.k.a. Susan K. ay napapakinggan sa RADYO INQUIRER 990 AM  (Lunes-Biyernes 12:30 hanggang 2 p.m.) Meron din siyang programa sa telebisyon sa PTV 4 (Biyernes 8-9pm) at GMA NEWS TV International. Maaring magtungo sa BANTAY OCW FOUNDATION OPERATIONS CENTER sa  631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending