PUMALO na sa 15 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong “Ineng” kahapon matapos marekober ang apat na bangkay sa isang bahagi ng Mankayan, Benguet, na tinamaan ng landslide, ayon sa pulisya.
Narekober ang bangkay nina Armando Dayao, Felimon Adcapan, at Jasper Olivarez mula alas-10 hanggang alas-11:30 ng umaga Linggo, matapos matagpuan ang bangkay ni Crispin Ablao Sabado ng hapon, sabi ni Senior Inspector Joyce Ann Dayag, tagapagsalita ng Benguet provincial police.
Kabilang ang apat sa isang grupo ng mga taong nawala matapos tamaan ng landslide ang Sitio Elizabeth, Brgy. Taneg, noong Sabado ng umaga.
Naguhuan ng lupa ang mga barung-barong na ginagamit ng mga minero sa naturang lugar dakong alas-3, sabi ni Superintendent Cherry Fajardo, tagapagsalita ng Cordillera regional police.
Matapos marekober ang bangkay ni Ablao pasado alas-2 ng hapon Sabado, sinabi ng mga residente sa pulisya na 18 katao pa ang nawawala at hinahanap.
Sinuspende ang search and recue operation alas-5 ng hapong iyon dahil sa tumataas na tubig sa katabing creek, “poor visibility,” at malakas na ulan, ani Fajardo.
Muling nilunsad ang operasyon kahapon ng umaga at nagpadala ng 95 pulis doon para tumulong, ani Dayag.
Matapos matagpuan ang bangkay nina Dayao, Adcapan, at Olivarez, napag-alaman na buhay sina Jonie Foster at Marpety Bayagen, na kapwa kasama sa mga naiulat na nawala.
“Both persons (Foster and Bayagen) were confirmed alive. Accordingly, they went home before the incident happened,” ani Dayag.
Labintatlo katao pa ang pinaghahanap sa naturang lugar kahapon ng hapon, batay sa datos ng Benguet provincial police.
Nakilala ang 13 bilang sina Ronaldo Angel, Paulita Angel, Ronald Paul Angel, Hohn Aluyan Jr., Jose Aluyan Jr., Efren Balicdan, Mark Balicdan, Nardo Mocnangan, Marvin Baturi, Harold Baturi, Rocky Mangrubang, Crisanto Ablao, at Ramil Reyes.
Kinumpirma ni Andrew Alex Uy, direktor ng Office of Civil Defense-Cordillera, ang pagkamatay nina Ablao, Dayao, at Adcapan sa ulat na ipinadala Linggo ng hapon.
Di pa naisasali sa listahan ng OCD-Cordillera ang pagkasawi ni Olivarez.
Sa kabila nito, kinumpirma ni Uy na may isang taong natagpuang patay sa Tabuk City, Kalinga.
Narekober ang bangkay ni Julius Gumisa alas-11 ng umaga Linggo sa Brgy. Suyang, Tabuk, matapos siyang mawala sa Brgy. Caluttit, Bontoc, Mountain Province, anang regional OCD chief.
Si Gumisa ang nag-iisang nasawi dahil sa pagkalunod sa Cordillera, habang ang iba’y puro sa landslide namatay, ayon sa ulat.
Naganap ang mga landslide kasabay ng pagdanas ng bulubunduking rehiyon ng 721.6-millimeter na ulan, o 78.43 porsiyento ng monthly average na 920mm, mula Agosto 20 hanggang 23.
“The soil is already saturated,” ani Uy.
Samantala, inulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na di bababa sa 7,470 pamilya o 32,648 katao ang lumikas sa Cordillera, Ilocos region, at Cagayan Valley dahil sa mga landslide, pagbaha, at ipo-ipong dulot ni “Ineng.”
Umabot sa 13,159 ang nagtungo sa mga evacuation center habang 19,489 ang nakisilong sa bahay ng mga kamag-anak. Sa kabuuang bilang ng mga lumikas, 8,426 lang ang nag-“preemptive evacuation,” ayon sa NDRRMC.
Sinira ni “Ineng” ang di bababa sa 197 bahay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, Batanes, Benguet, Apayao, at Mountain Province.
Nagdulot din ang bagyo ng di bababa sa P121.818 milyon halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura sa Ilocos region, Cagayan Valley, at Cordillera, ayon sa NDRRMC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.