ISA nang ganap na batas ang Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015 (Republic Act 10666) na naglalayong proteksyunan ang mga bata na isinasakay sa motorsiklo.
Pinirmahan na ni Pangulong Aquino ang batas at inatasan ang Department of Transportation and Communication (DOTC) na siyang gumawa ng Implementing Rules and Regulations para sa pagpapatupad nito.
Sa ilalim nito ipagbabawal na ang pag-angkas ng bata sa mga motorsiklo na daraan sa mga pampublikong kalsada na maraming dumaraang sasakyan at sa mga kalsada na bawal tumakbo ng mas mabagal sa 60 kilometro bawat oras.
Hindi rin maaaring isakay sa motorsiklo ang mga bata kung hindi makakaabot sa foot peg o foot rest ang paa nito. Kailangan din na kaya niyang humakap sa driver at nakasuot ng angkop na helmet alinsunod sa Motorcycle Helmet Act of 2009 (RA 10054).
Ang motorcycle accident ang ika-apat na sanhi ng pagkamatay sa bansa. May naitatalang 16,208 aksidente sa motorsiklo kada taon.
Pinahahalagahan umano rito ang mga karapatan ng mga bata na nalalagay sa peligro kapag nakasakay sa motorsiklo.
Inatasan ang Land Transportation Office (LTO), Philippine Information Agency (PIA) at Department of Education (DepEd) na magpakalat ng impormasyon tungkol sa batas.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P3,000 para sa unang paglabag, P5,000 sa ikawala at P10,000 sa ikatlong paglabag. Suspendido rin ang lisensya ng driver ng isang buwan sa ikatlong paglabag.
Sa ika-apat na paglabag ay kakanselahin na ang lisensya ng driver upang hindi na ito muling makapagmaneho ng anumang sasakyan.
Binibigyan din nito ng kapangyarihan ang LTO na itaas ang multa sa paglabag, matapos ang public consultation, tuwing ikatlong taon mula sa pagpapatupad nito.
Nililimitahan naman sa hanggang 20 porsyento lamang ang maaaring itaas. Bukod sa LTO, kasama sa magpapatupad nito ang Philippine National Police (PNP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.