Wala nang bilib ang masa kay Binay | Bandera

Wala nang bilib ang masa kay Binay

Ramon Tulfo |November 22,2014
facebook
share this

Wala nang bilib ang masa kay Binay

Ramon Tulfo - November 22, 2014 - 03:00 AM

KUNG inaakala ni Vice President Jojo Binay na mahal pa rin siya ng mga mahihirap kahit nabisto na ang kanyang diumano’y mga pangungurakot sa kaban ng bayan, siya’y nagkakamali.

Ang akalang yan ay malaking pagkakamali.

Hindi naman siguro bobo at tanga ang mga mahihirap na madadala sa sinasabi ni Binay na dapat siyang ituring na anak ng dalita dahil siya’y galing sa kahirapan.

Pinag-aaway ni Binay ang mayayaman at mahihirap upang siya’y kaawaan ng huli at iboto siyang pangulo sa 2016.

Lubhang mas marami kasi ang mahihirap sa mayayaman, kaya’t ang masa ang bumoboto ng mga elective officials.

Kahit na raw sa Forbes Park sa Makati, na lugar ng mga milyonaryo sa bansa, nananalo ang mga Binay tuwing eleksiyon dahil karamihan sa mga bumoboto ay mga kasambahay at family drivers.

Pero iba na ngayon ang pagtingin ng mga mahihirap kay Vice President Binay dahil sa paglalantad ng kanyang pangungurakot noong siya’y mayor pa ng Makati City.

Ang mahihirap ay may utak din at hindi na malalansi ng matatamis na dila ni Binay.

Isang radio program sa umaga ang madalas kong pakinggan kung saan meron silang portion na binibigyan ang mga listeners na magbigay ng kani-kanilang opinyon.

Kapag si Binay ang isyu sa programa, maraming tumatawag at nagsasabi na walang kuwentang lider ang Vice President at dapat hindi mahalal na pangulo.

May mga iba na nagsabi na hangang-hanga sila noon kay Binay pero hindi na ngayon dahil ayaw niyang siputin ang Senado na nag-iimbestiga sa overpriced na Makati City Hall building 2 at ang hidden wealth ng pamilya Binay.

Mas lalong nagalit ang taumbayan nang kinansel ni Binay ang kanyang debate kay Sen. Antonio Trillanes IV na siya mismo ang naghamon.

Ang pagkansela niya ng debate kay Trillanes ay tanda raw na siya’y may itinatago at ayaw niyang malantad ang kanyang kasinungalingan.

Pero kung ayaw na ng masa si Binay, sino naman ang dapat na iboto ng taumbayan sa 2016.

Definitely, hindi si Interior Secretary Mar Roxas na manok ni Pangulong Noynoy.

Walang konek si Roxas sa masa.

Bakit hindi naman natin subukan si Mayor Rody Duterte ng Davao City?

Si Duterte ay hindi nagnakaw sa kaban ng bayan kailan man.

Mahal siya ng mga negosyante dahil hindi niya sila binabakalan.

Isang may-ari ng chain of supermarkets, na may sangay sa Davao City, ang nagsabi sa akin na hindi siya naglagay ng kahit isang kusing sa mga opisyal ng City Hall nang siya’y mag-apply ng business permit.

Ang isyu lang laban kay Duterte ay ang mga pagpatay ng mga pusakal na kriminal sa siyudad.

Pero yan naman ay gusto ng taumbayan dahil wala na silang tiwala sa mga korte.

Hindi ko sinasabi na si Duterte ang nasa likod ng pagsasalvage ng mga pusakal na kriminal sa Davao City, pero dahil doon ay naging tahimik ang siyudad.

Patayan, nakawan at lantarang pagtitinda ng
ipinagbabawal na gamot ay ordinaryong nangyayari sa Davao City noong di pa mayor si Duterte.

Ang mga pulis sa Davao City ay disiplinado di gaya ng mga pulis sa ibang lugar dahil takot sila kay Duterte.

Kapag si Duterte ang nailuklok sa Malakanyang baka maging mapayapa ang buong bansa.

Sa pagdating ng kapayapaan, susunod na rito ang economic progress.

Kung ikumpara si Davao City Mayor Rody Duterte kay dating Makati Mayor Jojo Binay, parang kinukumpara natin ang jeepney sa Mercedes Benz.

Si Duterte ang Mercedes Benz at si Binay naman ang jeepney.

De-kalidad ang liderato ni Duterte sa Davao City samantalang punong-puno ng anomalya ang liderato ni Binay sa premier city ng buong bansa.

Kung nakaya ni Binay at kanyang pamilya na nakawan ang mga taga Makati, mas lalong niyang makakaya na magnakaw sa buong sambayanan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pag-isipan ninyo ito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending