Kudeta sa Kamara, ‘extraordinary’

By Jake Maderazo July 30,2018
share this

Kudeta sa Kamara, ‘extraordinary’

By Jake Maderazo July 30,2018
share this

MARAMING nabigla sa matagumpay na kudeta sa Kamara sa mismong araw ng ikatlong Sona ng pa-ngulo. Hindi
makapaniwala sina House speaker Pantaleon Alvarez at malalapit na kapanalig na
meron na palang 184 congressmen na ayaw sa kanya.
Mga pulitikong nagdeklara sa plenaryo na ”bakante na ang posisyon ng house speaker”. Oo, isang posisyon lang ang binakante para palitan ni dating Pangulong Gloria Arroyo si Alvarez na ngayon lang nangyari sa Kamara.
Kaya naman, isang linggo matapos ang Sona, wala pa ring opisyal na pagpapalit sa majority floor leader, minority floor leader at sa mga 72 committee chairmanships dahil ang nangyari ay isang “extraordinary event”.
Ibig sabihin, “status quo” ang ibang mga posisyon. Kung susuriin, ang dapat talaga ay nagkaroon ng smooth transition ang dalawang panig dito, pero paano magagawa iyon kung trayduran ang nangyaring kudeta?
Masakit sa mga nawalan ng pwesto ang nangyari. Isipin niyo naman, 2019 proposed national budget ang pag-uusapan at tiyak na maraming palamang project sina Alvarez at mga kapanalig diyan.
Intindihin din natin na may halalan sa Mayo 2019, kayat maraming proyekto sa loob ng budget ang kasama sa ipapa-ngako sa darating na kampanya. Tapos biglang mawawala.
Dapat ideklara ni Speaker Arroyo na bakanteng lahat ng posisyon sa Kamara para magkaroon ng fresh start, pero magkakaisa ba silang lahat?
Hindi kaya posibleng maparalisa lalo ang kanilang operasyon dahil uupakan sila nang uupakan nina Alvarez at Fariñas? Kapag dahan-dahan naman ang pagpapalit sa mga lider ng Kongreso, babagal din ang kanilang trabaho at manganganib ang legislative agenda ng Duterte administration.
Idagdag pa rito ang kasalukuyang problema ng ruling party na PDP-Laban na ngayo’y nagkakaroon ng leadership crisis matapos patalsikin ng isang paksyon sina Senator Koko Pimentel at Ex-Speaker Alvarez.
Anong partido na ngayon ang dominante sa Kongreso, PDP–Laban pa rin? O Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Inday Sara o Lakas? Tandaan natin na sa Oktubre 1, o dalawang buwan mula ngayon ay pormal na silang magsusumite ng certificates of candidacy para sa May 2019 elections.
Pero, ang mas mabigat na problema ng bansa rito ay ang trabaho na aprubahan ang panukalang P3.757-trilyon budget para sa 2019. Noong nakaraang taon, July 24 isinumite ang 2018 budget at naratipikahan ng December 19 sa panahong walang problema ang Senado at Kamara. Pero, ngayon, may malaking problema dahil partido at liderato ng Kamara ang mga isyu. Sa totoo lang, magaling na bastonera itong si Arroyo at naniniwala akong malalampasan niya ang krisis na ito with “flying colors”. Last term na siya at hindi siya kandidato sa May 2019 elections.
Tinawag din niyang “black propaganda” ang balitang interesado siya sa posisyon na Prime minister”. Ang ingatan lamang niya ay ang pagpili sa mga lider sa mga sensitibong committes. Alam naman natin na corruption ang pangunahing mandato ng Duterte administration.
Nakita na natin ang corrupt na Kongreso noong siya’y presidente, sana naman ngayong Speaker na siya ay magbago siya ng sistema at ga-wing malinis na ang Kamara. Nakakangiti lang isipin ang nagdudumilat na katotohanan. Duterte sa Malakanyang, Tito Sotto sa Senado at Gloria Macapagal Arroyo sa Kamara.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending