Kawawa naman: TV host pinalalayas na sa tinitirhang bahay | Bandera

Kawawa naman: TV host pinalalayas na sa tinitirhang bahay

Cristy Fermin - June 20, 2018 - 12:15 AM

SA isang umpukan ay pinagpistahan ang kuwento tungkol sa isang male singer na mukhang problemado ngayon. Matagal din siyang napanood sa TV, nag-host siya nu’n ng isang variety show, pero hindi siya ang bumibida kundi ang mahal niyang kadugo.

Malaki ang sakripisyo niya sa paghawak ng programa, kung tutuusin ay halos siya na nga ang nagpapatakbo nu’n, kaya maraming nakikisimpatya sa mga nagaganap ngayon sa kanyang buhay.

Kuwento ng aming source, “Nakakaawa naman si ____ (pangalan ng singer-TV host), alam n’yo bang tinalikuran niya ang profession niya sa ibang bansa para lang tulungan ang mahal niyang kamag-anak dito sa atin?

“Maganda ang buhay niya sa ibang bansa, malaki ang kinikita niya dahil may diploma siya sa linyang kinabibilangan niya, pero sa pakiusap ng taong malapit sa puso niya, e, umuwi siya dito.

“Hindi kasinglaki ng kinikita niya sa ibang bansa ang tinatanggap niya sa pagkanta at pagho-host dito, ni wala sa kalahati, pero dahil sa sobrang pagmamahal at malasakit niya sa taong tinutulungan niya, e, okey lang sa kanya ‘yun!” simulang chika ng aming source.

Walang naging problema sa kanilang samahan, maayos ang kanilang relasyon ng kamag-anak niya, pero may naganap na hindi niya
inaasahan.

“Pumanaw ang mahal niyang kadugo, paano na siya? Babalik na lang uli siya sa kanyang trabaho sa ibang bansa o ipagpapatuloy pa rin niya ang singing career at hosting niya dito sa atin?

“Nagdadalawang-isip siya, mahal na mahal niya ang Pilipinas, dito siya maligaya at hindi sa mga dolyares na tinatanggap niya sa ibang bansa. Pero mukhang aalis na nga siya, iiwanan na niya ang trabaho niya dito sa Pinas.

“May problema kasi ang male singer-TV host, mukhang wala na siyang matitirahan, pinaaalis na siya ng isa pa niyang kadugo sa bahay na matagal niyang itinuring na pangalawang tahanan.

“Nakakaawa naman siya, wala nang magtatanggol sa kanya, ang nagpapaalis na sa kanya ang namamahala ng lahat ng iniwanan ng mahal niyang kamag-anak.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Tama, wala na nga siyang matitirahan kung mananatili pa siya dito at wala na siyang tulugan!” pagtatapos ng aming impormante.

Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangan n’yo pa ba ng clue para mahulaan n’yo kung sino ang bumibida sa ating kuwento?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending