Kris nilulublob sa drum ng tubig pag dumadalaw noon sa kulungan ni Ninoy
MARAMINMG kuwento si Kris Aquino tungkol sa kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby. Umiikot ang kanyang mundo sa magkapatid. Wala siyang tinitingnan lang at tinititigan.
Sa kanya mismo nanggaling na ang dapat niyang manahin mula sa kanilang pamilya ay ipinalagay ni dating Pangulong Cory Aquino sa pangalan ni Josh. Naging saksi kami sa umaapaw na pagmamahal kay Joshua ng kanyang lola.
Ang kanyang Ate Ballsy ang namamahala sa milyones ng kanyang panganay, hindi ‘yun kailanman pinakialaman ni Kris, dahil ang halagang meron si Josh ay bilang paghahanda sa kinabukasan nito.
Sensitibo si Kris pagdating na sa kanyang mga anak. Parehong hindi kasama nina Josh at Bimby ang kani-kanilang ama, tulad ni Kris nu’ng bata pa siya na malayo sa piling ng kanyang daddy, linggu-linggo lang nilang dinadalaw sa Fort Bonifacio si dating Senador Ninoy Aquino na isang political detainee.
Natatandaan pa ni Kris na kapag dumadalaw sila nu’n sa kanyang daddy ay pinupuno ng candy ng mommy niya ang maliit niyang bag na pambata. Pero ibabaw lang nu’n ang candy, merong mga parang pastilyas na nakapailalim du’n, tinilad-tilad na steak ‘yun na ihinanda ni Tita Cory para sa kanyang ama.
Hindi na nga naman bubusisiin pa ng mga guwardiya ang kanyang baby bag, kaya naipapasok nila ang paboritong pagkain ni dating Senador Ninoy, na mismong si Tita Cory ang nagtimpla at nagluto.
Maalinsangan sa reception area ng karsel ng kanyang ama, hindi mapakali si Kris dahil sobrang alinsangan, kaya palaging nakahanda ang isang drum na tubig kapag dumadalaw ang pamilya sa Fort Bonifacio.
Inilulublob siya sa drum, maliit na swimming pool ang tawag du’n ng tatlo-apat na taong gulang pa lang na bunso nina Senador Ninoy at Tita Cory, gumiginhawa ang kanyang pakiramdam.
Alam ni Kris ang buhay na walang ama sa tahanan, ‘yun ang pinupuno niya ngayon kina Josh at Bimby, para rin siyang si Tita Cory na tumayong ina at ama nilang magkakapatid nu’ng nakakulong ang kanyang daddy.
Kaya pagdating sa kanyang mga magulang at anak ay balat-sibuyas si Kris Aquino. Galing kasi siya sa ganu’ng estado, alam niya ang pakiramdam ng anak na uhaw sa pagmamahal ng ama, na sinisikap lang na punuan ng ina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.