Hampaslupang riders

By Lito Bautista December 15,2017
share this

Hampaslupang riders

By Lito Bautista December 15,2017
share this

INYONG palakasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay. Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob. Ito ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Is 35:1-10; Slm 85:9ab 10-14; Lc 5:17:26) sa ikalawang linggo ng Adbiyento.

Bagaman parating may pag-asa’t panalangin (ayon kay San Padre Pio), sino ang magkakaroon ng lakas ng loob kung ang kanyang anak ay nabakunahan ng Dengvaxia? Sinong abogadong may ting (kampanilya) ang titingalain ang SC kung ang punong mahistrado ang siyang gumawa ng maraming mali para magulo ang tabakuhan?

Silipin sa ilalim (huwag bosohan): bakunang Dengvaxia at Sereno. Makikita si Noynoy Aquino. Si Aquino ang nasa ilalim ng malalaking problemang ito. Kaya pala walang kibo si Bam Aquino. Pagindapating mahirap kumibo sa masamang karma. Aquino rin (pa, naman, mandin) si Bam.

Kapag umakyat sa Senado, paano didiskarteng legal si Pacquiao sa usaping Sereno impeachment? Mayorya sa Senado ay katiting ang nalalaman at karanasan sa batas. Hindi uubra ang cramming para punan ang malaking agwat ng kakulangan sa kaalaman at karanasan.

Anim ang “active lawyers:” Pimentel, Drilon, Angara Jr., Gordon, Pangilinan at Escudero. Ang Corona impeachers dahil sa SALN ay sina Drilon, Escudero, Honasan, Lacson, Legarda, Pangilinan, Pimentel, Recto, Sotto at Trillanes. Ililigtas ba nila si Sereno na walang SALN (hinahanap pa raw) dahil buhay pa si Aquino?

Sa North Caloocan, dalawang bata ang namatay nang mabakunahan “kontra” dengue. Tulad ng halos lahat, ang kanilang mga magulang ay walang nilagdaang dokumento na payag silang mabakunahan ang kanilang anak. Walang “consent” ang mga magulang. Wala silang mataas na pinag-aralan. Wala silang kakayahang maghabla’t maghabol ng danyos. Walang tumutulong sa kanila. Tulad ng SAF 44, kargo mo ito, Aquino.

Malupit ang gobyerno sa nakamotor, lalo na ang rebel soldier na si Danilo Lim (nasaan ba si Barias?). Nagpapatrapik daw ang mga motor sa EDSA kaya ipagbabawal na. Paanong bara sa trapik ang dalawang gulong? Si Digong ay rider din kaya bawal na siya rito base sa usad ng isip ng rebel soldier. Nakakotse ka, kaya hampaslupa ang tingin mo sa mga riders.

Yung ugok sa MMDA na totokhangin daw niya ng 45 ang media na babatikos sa mga programa ng rebel soldier ay duwag, kahit joke only.
Sige, ubusin mo ang media na kritiko ng maling mga programa ng rebel soldier. Tunay na nakalalasing nga ang poder at kayabangan.

Nagkaloko-loko ang trapiko sa Metro Manila dahil sa pamamahala ng rebel soldier, bukod sa iba’t ibang putahe ng LGUs, DOTr, HPG, DPWH, LTO, power at water utilities at kotong enforcers. Sinubukan kong magmaneho ng kotse sa EDSA noong Miyerkules. 6 kph lang ang speed. Ang max speed ni rebel soldier ay 50 kph. Susme! Bulok ang press release mo.

Anang isang Pagninilay, may kaligayahan sa pagdurusa ngayong Pasko kung tayo’y nakay Jesus. Totoo ito, huwag kalilimutan si Kristo. Pero, nilagyan ng asin ang sugat ng pagdurusa ng mahihirap nang sumabog ang balita na buhay-mayaman ang mga opisyal ng Presidential Commission on Urban Poor. Digong, ipakulong mo sila’t pagbayarin sa kanilang mga kasalanan.

PANALANGIN: Jesus, turuan mo akong maging mahinahon, matibay sa paghihirap na dulot ng iresponsableng mga lider.

MULA sa bayan (0916-5401958): Four lanes ang Maguindanao provincial road (Buluan-Datu Paglas) pero di magamit ng motorista dahil ginawang terminal at tindahan ng ukay. Bukod dito, isang taon nang di pa tapos ang konstruksyon. Amoy anomalya. Imbestigahan. Samuel Lopez …3704

Walang Diyos sa rebelde at terorista. Sumuko na sila. EFB Zamboanga …2409

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

TODAY'S ISSUE OF BANDERA
What's trending