Alessandra hindi nagpabayad sa bagong pelikula: Minsan nga kahit pakape lang ok na!
IISA ang tanong ng mga reporter na dumalo sa presscon ng pelikulang “12” ni Alessandra de Rossi, ano ang mga pagbabagong naganap sa buhay niya matapos maging super blockbuster ang “Kita Kita” nila ni Empoy Marquez. Kumabig ito ng mahigit P320 million sa takilya.
Napakunot ang noo ni Alessandra sabay sabing, “Sa totoo lang after ‘Kita Kita’ wala namang nagbago sa buhay ko, maaaring nagbago ang tingin ng mga tao sa paligid ko, pero ako wala talaga akong pakialam. May mga nagsasabi ngang, ‘o dapat parang Kita Kita’, ito (bagong movie).
“Ako ‘yung (napapaisip) unang-una hindi magkapareho, number two hindi ito comedy, number three hindi ito para bata so hindi siya talaga parang ‘Kita Kita.’ So unfair naman na parang i-pressure ko ‘yung sarili ko na dapat same or siyempre to be honest, nahihiya ako kay boss Vic (del Rosario).
“Sinabi ko rin naman sa kanya ng harapan na itong ganitong klase ng pelikula sobrang indie ang film at atake na ire-release sa mainstream, sabi ko baka kung ano ang ini-expect mo? Sabi naman ni boss Vic, ‘Hindi Alex gusto ko siyang gawin kasi naniniwala ako sa material, kaya sabi ko, Ookay pero ‘wag kang mag-expect na parang Kita Kita ‘to ha?’ Tapos sabi niya, ‘Hindi-hindi ganu’n, dapat hindi ganu’n mag-isip ang tao.’
“So, sana nga, ‘yung mga nasa paligid, kaya Ivan (Padilla, bago niyang leading man), huwag kang ma-stress hindi ito Kita Kita, this is ‘12.’ Kung baga sa paggawa ng baby, hindi naman magkamukha ‘yung magkasunod na baby kahit anong gawin mo, magkaiba ‘yan ng ugali, magkaiba ‘yan ng sakit o paboritong pagkain. So, hindi sila puwedeng i-compare,” paliwanag pa ni Alex.
Hindi rin gusto ng aktres na tinatawag siyang box-office queen o kahit na anong titulo, “Saan ba ‘yang office na ‘yan, papasok tayo d’yan,” pabiro na lang nitong sagot.
“As an actress ganu’n pa rin, kung gaano ako ka-choosy noon, ganu’n pa rin ako ka-choosy hanggang ngayon. Kaya nga nao-offend ako minsan kapag may nakarating na tanong na, ‘okay ba sa’yo ‘tong project na ‘to? Parang ‘duh? Hindi nga okay sa akin ‘yan before Kita Kita, paano siya magiging okay after Kita Kita?
“Hindi magbabago sa akin ‘yung ganu’n, ayaw ko ng ganyang project, ayaw ko maging nanay ng 18 years old dahil hindi bagay sa akin, mga after 5 years tanungin n’yo ako ulit baka pumayag na ako, sa ngayon, hindi talaga puwede,” sabi pa ng aktres.
Ramdam ba ni Alessandra na box-office star na siya, “Hindi ko nga alam kung ano ‘yang box-office star na ‘yan? Well, sabi nga nila ngayon basta’t may pangalan ko, kaya na nilang i-market hindi tulad before na hindi mo kukunin si Alex kahit siya ang bagay sa role dahil feeling mo, ‘ay kukuha na lang tayo ng artistang maraming fans para mas maraming manood. Pero ngayon, hindi na nagma-matter kung may fans o wala kasi nga ang importante, ‘yung kuwento.
“So, hindi pa rin ako ‘yun (box-office star), ‘yung kuwento ng Kita Kita, of course mas marami nang nagpapa-picture sa akin ngayon, kung dati tatlo lang, ngayon 20 na. Pero bihira naman mangyari ‘yun kasi hindi naman ako lumalabas ng bahay, so hindi ko masyadong nararamdaman,” aniya pa.
Maging sa talent fee ay wala rin daw nagbago, “Wala pa, actually may mga nagsasabing dapat mag-demand ako, e, hindi nga ako nagpabayad dito (12) kasi gusto ko lang siyang gawin, so eversince naman ganu’n ako, mga indie films na gingagawa ko, halos walang bayad, promise minsan Starbucks lang ang bayad, pero isang buong araw pinapahirapan ako, pero masaya ako, eh.
“Hanggang ngayon ganu’n pa rin ako, ayoko ng ‘hindi ko nakuha si Alessandra de Rossi kasi hindi ko afford. ‘ Parang ang sakit-sakit pakinggan no’n?” esplika ng dalaga.
Kaya hindi nagpabayad si Alessandra ng talent fee niya sa “12” ay dahil ibinakas niya sa Viva Films ang dapat na ibabayad sa kanya kasama na ang pagiging scriptwriter niya dahil siya ang sumulat at siya rin ang kumanta ng theme song at siya rin ang direktor ng music video.
“Kaya manood kayo, bawa’t nood n’yo mayroon akong 25 cents. Ha-hahaha!” birong sabi ng aktres.
Si Dondon Santos ang nagdirek ng “12” mula sa Viva Films at showing na ito sa Nov. 8 sa mga sinehan. Ito’y kuwento ng magkarelasyon na limang taon naging mag-boyfriend/girlfriend at pitong taong nag-live in. Hanggang sa makita nila ang lahat ng differences ng isa’t isa kaya walang silang ginawa kundi mag-away kahit sa maliliit na bagay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.