Dennis kina Julia at Joshua: Laging hawak-kamay, magkayakap…mag-boyfriend na yun!
HALOS apat na dekada na sa showbiz si Dennis Padilla at ngayon lang niya naisipang magdirek kaya sa one-on-one interview namin sa kanya sa presscon ng “The Barker” nina Empoy Marquez at Shy Carlos.
“Actually matagal ko nang gustong magdirek, kaso parang nahihiya akong i-offer ‘yung sarili ko, tapos nu’ng 2013 sabi sa akin ni Mayor Herbert (Bautista), ‘pare gusto mong gumawa ng project, magdirek ka na kaya.’
“Sabi ko kay Mayor, ‘mayor, parang hindi pa ako handa, kinakabahan ako, next time na lang.’ Tapos hindi na natuloy. Tapos nitong 2017, sabi ni Arlyn (dela Cruz, producer), ‘Dennis ‘yung project ko gusto ko idirek mo.’ Sabi niya kaya ko na. Kaya sa kaka-push niya sa akin, heto natuloy na ako sa The Barker,” mahabang paliwanag ni Dennis.
Nabanggit niya na may una silang kausap na producer na kaibigan ni Gary Lim na kasama rin sa pelikula pero hindi natuloy kaya sinalo ni Arlyn for Blank Pages Productions at distributed naman ng Viva Films na mapapanood na sa Okt. 25.
At dahil first time magdirek ni Dennis ay nakiusap siya sa producer na samahan siya sa unang araw ng shooting para may support.
“Gusto ko nandoon si Arlyn kasi parang security blanket, unang araw kong nag-shoot, dumating siya gabi na, natapos ko na lahat ang mga eksena. Kaya sabi ko sa kanya, ‘walanghiya ka Arlyn, iniwanan mo ako.’
“Tapos sabi sa akin ni Arlyn, ‘ano ka ba, producer ako, hind ako direktor, darating lang ako kapag may babayaran, pero ‘yung mga eksena, mga dialogue, bahala ka sa buhay mo!’’ masayang sabi ng aktor/direktor.
Walang pormal na pag-aaral si Dennis sa filmmaking, “Wala, experience lang lahat. At pagdating sa mga shot, tinatanong ko ‘yung cameraman ko, sasabihin ko, ‘ano bang magandang shot dito?
“Kasi sila ‘yung magaling sa technical, basta dine-describe ko lang, sabi ko, gusto ko ang mukha ni Empoy mas malapit sa screen tapos ‘yung kausap medyo malayo. Tapos i-explain sa akin na, ‘ganito direk ang shot n’yan, dito natin ilalagay.’
“Tapos eventually, habang nagsu-shooting kami, natutunan ko na, ganu’n pala ‘yun na kapag naglagay ka ng camera 1 dito, ‘yung camera 2 doon,” kuwento pa ng daddy ni Julia Barretto.
Cool director ang paglalarawan ni Dennis sa sarili at hindi rin siya nagagalit, “Tawanan lang kami nang tawanan saka mabiro rin kasi ako sa mic, hindi ako nagagalit. Kapag may mali (artista o crew), sasabihin ko lang, ‘ano ba, hello? Puwede ba, dapat lahat tayo magaling, tama?’ Ganu’n lang ako sa lahat.”
‘Yun nga lang, magastos na direktor si Dennis, “Sobrang magastos, ‘yung first day umabot ng P650,000, second day ko, P400,000 kaya total ko lahat, buong pelikula naka P10 to 11 million din kami pati promo.”
Si Dennis din ang sumulat ng istorya ng “The Barker” na natapos niya ng isang linggo lang, “Kami ni Arlyn (screenplay), itong The Barker, wala pang one week kong sinulat noong 2013, wala naman akong inspirasyon that time.
“Nakita ko lang ‘yung mga barker sa Caloocan, ang dami-dami. Sabi ko nga, ang hirap pala ng buhay nila, gawan ko nga ng istorya ‘to.”
Samantala, pangarap din ng bagong direktor na maidirek ang anak na si Julia Barretto.
Inamin din ni Dennis na hindi na siya masyadong kabado ngayon dahil positive naman ang feedback ng mga nakapanood na sa “The Barker” pati na sa trailer nito na umabot na sa 3.5 million views sa social media.
Tungkol naman kay Julia, natanong ang tatay ng aktres kung sa tingin niya ay boyfriend na nito ang ka-loveteam na si Joshua Garcia. “Siguro mag-boyfriend (girlfriend) na ‘yun, hindi lang umaamin?” banggit ng aktor/direktor.
Hirit pa nito, “Palagay ko talaga syota na ni Julia ‘yun sa mga galaw, ha. E, kasi may mga picture sa Instagram minsan magkahawak-kamay, magkayakap. Bagay naman kayo kaya puwede na kayong umamin.”
Pambubuking pa ni Dennis tungkol sa anak at sa The Good Son lead actor, “So far si Joshua pa lang ang ipinakilala sa akin ni Julia.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.