Awra Briguela gagawin ang lahat para matupad ang pangako kay Coco
MANGYAYARI na ngayong gabi ang pinakamatinding laban sa buhay ni Super Ving (Awra Briguela) sa pagpapatuloy ng Wansapanataym sa ABS-CBN.
Ibubuhos na ng batang superhero ang kanyang buong lakas gamit ang tapang at pag-ibig upang ganap nang tapusin ang kasamaan ni Reptilya (Bianca Manalo).
Dahil sa matinding pagmamahal para sa ina, sumuko na si Super Ving at ibinigay ang mahiwagang bato kay Reptilya kapalit ang pagpapakawala kay Soffy (Carmi Martin). Ngunit magugulat ang halimaw na pekeng bato pala ang ibinigay sa kanya, na hahantong sa mas matinding paghahasik nito ng lagim maging sa mga kaibigan ni SV na sina Chelsea (Kisses Delavin) at Warren (Marco Gallo).
Hindi naman hahayaan ni Super Ving na may masaktan pa si Reptilya kaya sisiguraduhin nitong matatapos na ang kasamaan ng halimaw gamit ang kanyang kapangyarihan. Pero may alas pa pala si Reptilya na ikapanghihina ng puwersa ni Super Ving – ang ama nitong si Cris (Roderick Paulate) na magiging kampon ng halimaw upang ipangtapat kay SV.
Makayanan kayang labanan ni Super Ving ang sariling ama? Maging sapat kaya ang kapangyarihan ng kabutihan para matalo ang kasamaan?
Kasama rin sa Wansapanataym Presents: Amazing Ving sina Ria Atayde, AC Bonifacio at Ellen Adarna sa direksyon ni Alan Chanliongco.
Huwag palampasin ang pagtatapos ng Wansapanataym Presents: Amazing Ving ngayong Linggo pagkatapos ng Little Big Shots sa ABS-CBN.
Samantala, bilib kami sa professionalism at dedikasyon ni Awra sa trabaho. Saludo rin kami sa disiplina niya dahil talagang napagsasabay niya ang pag-aaral at pagiging artista.
Kaya naman talagang mahal na mahal siya ng kanyang kuya Coco Martin na siyang nagpapaaral ngayon sa kanya. Sabi nga ni Awra sa isang panayam, hindi niya bibiguin si Coco at gagawin niya ang lahat para maging proud ang aktor sa kanya pati na rin ang kanyang pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.