‘Probinsyano’ ni Coco ibang level na, sumasabay din sa teknolohiya
INI-LAUNCH na ng ABS-CBN at Xeleb Technologies ang kanilang samahan sa naganap na contract signing para sa paglulunsad ng FPJ’s Ang Probinsyano mobile game.
Ito’y isang runner type game app na binibigyang pagkakataon ang gamers na maglaro bilang Cardo Dalisay (Coco Martin), ang bida ng top-rating Kapamilya series, habang nakikipaglaban sa kasamaan at nagliligtas ng mga buhay.
Ang nangungunang seryeng Ang Probinsyano na puno ng aksyon ang mobile game app dahil ang users mismo ang bida ng laro sa kanilang panghuhuli ng mga kawatan at pananatili ng kapayapaan sa lansangan ng Maynila bilang si Cardo. May pagkakataon ding manalo ng special prizes ang players sa pag-iwas nila sa iba’t ibang pagsubok.
Gaya ng matagumpay na serye, patok din ang mobile game app sa gamers matapos itong pumalo sa 50,000 downloads sa unang limang minuto nang ilunsad ito noong Mayo at ngayon ay malapit ng pumalo sa one million downloads.
“Masaya kami dahil napapalaganap ang advocacy ng palabas sa pamamagitan ng isang platform na malapit sa kabataan. Sa partnership na ito, hinahangad namin na hindi lang makapagbigay ng saya, kundi pati na rin makapaghandog ng aral gamit ang iba’t ibang Kapamilya-driven apps,” sabi ng business unit head ng Dreamscape Entertainment na si Deo Endrinal.
“Nasa ABS-CBN ang intellectual property, nasa amin naman ang technology. Magiging maganda at matibay ang samahan na ito,” sabi naman ng Xeleb chairman and CEO na si Raymond Racaza. “Una pa lang ang FPJ’s Ang Probinsyano sa mga larong paparating na dapat abangan ng mga manonood.”
Sa loob ng halos dalawang taon, umani na ng napakaraming papuri at parangal mula sa mga manonood ang FPJ’s Ang Probinsyano dahil sa pagbabahagi nito ng mga aral tungkol sa pamilya at pagmamahal sa bansa.
Tinatalakay nito ang buhay ng pulis na si Cardo Dalisay, na bumalik ma sa serbisyo kamakailan bilang miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police upang magligtas ng mga inosenteng buhay matapos ang pagkamatay ng kanyang anak.
Nananatiling number one sa ratings game ang serye ni Coco na nagsimula noong Setyembre, 2015 base sa datos ng Kantar Media na sakop ang rural at urban homes.
Bukod naman sa avid viewers, umani na rin ng pagkilala ang FPJ’s Ang Probinsyano mula sa House of Representatives at ilang government officials gaya ni DILG Sec. Mike Sueno at PNP chief Ronald dela Rosa.
Maaari nang i-download ang FPJ’s Ang Probinsyano mobile game sa Google Play at W00T.
Ang Xeleb Technologies naman ang kauna-unahang celebrity game mobile company sa bansa, ilan sa principal shareholders nito ay sina Anne Curtis, Kim Atienza, Isabelle Daza at Erwan Heussaff
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.