Mga nanay umapela kay Coco at sa ABS-CBN
HINDI totoong matatapos na ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin na mas kilala na ngayon bilang si Cardo Dalisay.
Base sa survey na ginawa ng Dreamscape Entertainment sa mga ina ng tahanan na sumusubaybay sa action serye ng ABS-CBN, simula nung umere ito ay nakiusap silang huwag munang tatapusin dahil ito lang daw ang dahilan para umuwi ng maaga ang mga mister nilang idolo ang aktor.
Maging ang mga anak din daw nilang naglalaro sa kalye ay maaga nang umuuwi kapag oras na ng Ang Probinsyano dahil inaabangan naman nila ang mga idolo nilang sina Onyok, MacMac, Ligaya, Dang at Paquito.
Pero kung si Coco ang tatanungin ay gusto na niyang magpahinga dahil pagod na raw siyang tugisin ang mortal niyang kaaway na si Joaquin Tuazon (Arjo Atayde) isama pa ang lolo nitong si Don Emilio Syquia (Eddie Garcia), base ito sa pahayag ng aktor noong huling thanksgiving presscon ng Probinsyano.
Kaso hindi mahindian ng aktor ang mga taong sumusubaybay ng FPJ’s Ang Probinsyano dahil sila ang dahilan kung bakit mataas ang rating nito kahit nga mahigit isang taon na ito sa ere.
Sabi nga ng isang taga-ABS-CBN, “Paano mo papatayin ang programang lampas 40% ang ratings? Bukod dito, ayaw ding bumitaw ng advertisers? Tsaka talagang pinag-uusapan pa rin talaga siya sa social media,”
Tama rin naman. At naniniwala kami na marami pang pwedeng ipakita ang serye ni Coco sa mga manonood na kapupulutan ng aral ng mga kabataan at mga magulang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.